Tulungan sa pagbuo ng komunidad

July 15, 2021 Marlon Purification 205 views

Marlon PurificationHINDI rin matatawaran ang pagsisikap ng SM Foundation Incorporated sa pagtulong sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Sa pinakahuling pag-ayuda ng Foundation, mga residente mula Obando hanggang San Miguel, Bulacan na nabiktima rin ng kalamidad ang nakinabang.

Kabuuang P2 milyong halaga ng housing materials at construction supplies ang ipinagkaloob ng SM Foundation na mula naman sa Japanese global apparel retailer na UNIQLO.

Dahil isa ang lalawigan sa madalas na tinatamaan ng mga bagyo, maraming komunidad sa Bulacan na nasa low-lying areas ang madalas na lumulubog sa baha kaya’t maraming pamilya ang napipilitang makisilong sa evacuation centers o public disaster shelters.

Ang donasyon ng Uniqlo at SM Foundation ay hindi lamang para sa repair, rebuilding, at bagong mga bahay para sa mga pamilyang tinamaan ng kalamidad kundi tulong din sa disaster preparedness para sa mga darating pang bagyo.

Sa datos ng Provincial Social Welfare and Development Office, kabuuang 58 communities sa Bulacan na binubuo ng 200 pamilya ang tatanggap ng tig-P10,000 halaga ng construction materials tulad ng galvanized iron sheets, roofing at wood nails, sealants, sealant guns, marine plywood at lumber.

Sa pamamagitan ng SM City Marilao, ang mga donasyon ay ipamamahagi sa mga pamilya sa San Pascual sa Obando, San Jose sa Paombong, San Pedro at Fatima V sa San Jose Del Monte at Matungao, San Nicolas at Taliptip sa Bulakan, Bulakan.

Kasama rin sa benepisyaryo ang mga pamilya sa Banga at Calvario sa Meycauayan at Sta. Rosa, Tabing Ilog at Lambakin sa Marilao.

Maipamamahagi rin ang mga donasyon sa pamamagitan ng SM City Baliwag sa mga komunidad tulad ng Sta. Cruz, Laog, Sto. Cristo sa Angat; Sabang, Bagong Nayon, San Jose at Poblacion sa Baliwag; Pulong Sampalok, Kalawakan, Sapang Bulak at Camachile sa DRT; Poblacion, Matictic at Baraka sa Norzagaray; San Juan at Maasim sa San Ildelfonso; at Santa Rita Matanda, Tartaro, San Vicente, Sta. Ines, Sta. Lucia, Santa Rita Bata, Poblacion, Bagbaguin at Sta. Clara sa San Miguel.

Sa koordinasyon din sa Local Government Units, ang mga pamilya mula sa Poblacion, Cambaog and Catacte in Bustos, Sumapang Bata, Lugam, Masile, Dakila, Niugan, Santor, Tikay at Balite sa Malolos; Dampol 2nd sa Pulilan at Bagbaguin at Sta. Clara sa Sta Maria ang tatanggap din ng donasyon sa pamamagitan ng SM Center Pulilan.

“Pauna na po ang aming taos pusong pasasalamat sa inyong pagsuporta. Nawa po ay mas marami pa tayong Bulakenyong matulungan sa naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad lalo na po ng Bagyong Ulysses” pahayag ni Provincial Social Welfare and Development Office head Rowena Tiongson.

Una na ring nag-donate ang Uniqlo ng $1 million noong last quarter ng 2020 para sa emergency food supplies at pagtatayo muli ng mga nasalantang bahay.

Kung ang lahat ng korporasyon sa bansa ay magtutulong-tulong sa pag-ayuda sa mahihirap nating kababayan o kaya naman ay buong pusong tatalima sa kanilang Corporate Social Responsibility, tiyak tayong walang Pinoy na maiiwan sa kahirapan.

Umaasa tayo na mas marami pa ang patuloy na magpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa higit na nangangailangang pamilya, hindi lamang ngayong pandemic kundi maging sa mga ordinaryong panahon.