Tulong pinansyal para sa Hermosa scholars, naipamahagi na

November 2, 2022 Christian D. Supnad 157 views

HERMOSA, Bataan – Muling nagpasalamat ang mga estudyanteng iskolar ng Pamahalaan ng Hermosa matapos nilang tanggapin ang kanilang scholarship allowance.

“Ngayong araw na ito ay matagumpay pong naipamahagi ang tulong pinansyal mula sa Lokal na Pamahalaan ng Hermosa para sa mga Iskolar ng Hermosa na nagsikap sa kanilang pag-aaral,” ani Mayor Jopet Inton sa kanyang pahayag.

Ayon kay Mayor Inton, nasa “350 na mag-aaral simula Junior at Senior High School ang tumanggap ng P4,000 pesos na ayuda para sa taong pampaaralan 2022-2023, katuwang ang ating Municipal Treasurer na silang nangasiwa sa pay-out na ito na ginanap sa Hermosa Covered Court.”

“Lagi ko pong sinasabi na ang pag-aaral ang susi sa magandang kinabukasan kaya naman hindi hadlang ang kahirapan para abutin ang tagumpay,” paliwanag pa ng punong-bayan.

Nanawagan naman si Mayor Inton sa mga estudyante na “Nawa’y patuloy po kayo magsikap at pagbutihin pa ang inyong pag-aaral, Mabuhay ang ating mga Iskolar ng Hermosa! Sama-sama sa patuloy na paglipad ng Bayan ng Hermosa,” dagdag pa ni Mayor Inton na isang licensed commercial pilot.