
Tulfo, Zubiri: Road rage incidents nakakaalarma, dapat imbestigahan
NAGHAIN ng resolusyon sina Sen. Raffy Tulfo at Senate President Juan Miguel Zubiri para imbestigahan ang mga road rage sa bansa.
Isinumite ni Tulfo at Zubiri ang Senate Resolution (SR) No. 769 matapos nag-viral sa social media ang isang dating pulis na nanakit at binunutan pa ng baril ang isang siklista sa Quezon City noong Aug. 27.
“The alarming rise in road rage incidents has posed a serious threat to public safety and the well-being of citizens,” nakasaad sa resolusyon.
“It is crucial to take immediate and effective measures to address this issue and ensure the safety of all road users.”
Sa paghahain ng resolusyon, sinabi nina Tulfo at Zubiri na inaatasan na magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon at parusa na may kinalaman sa mga insidente ng road rage ang Land Transportation Office (LTO) at iba pang kinauukulang awtoridad.
Kabilang sa parusa ang pagpapawalang-bisa at permanenteng pagbabawal sa pagkuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) para sa mga indibidwal na napatunayang nagkasala.
Binigyang-diin nila na dapat magtulungan upang magtatag ng isang komprehensibong sistema para mamonitor ang mga indibidwal na sangkot sa insidente ng road rage ang LTO at ang mga kinauukulang ahensya.
Dapat din pagbawalan na kumuha o mag-renew ng kanilang mga lisensya sa pagmamaneho ang mga sangkot sa road rage.
Hinimok din nina Tulfo at Zubiri ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas na makipagtulungan sa mga mental health professionals upang magbigay ng counseling at anger management interventions para sa mga indibidwal na guilty sa road rage offenses.