Default Thumbnail

Tulfo, pinaiimbestigahan proseso pagkuha ng driver’s license

May 5, 2023 PS Jun M. Sarmiento 266 views

NAGHAIN si Senator Raffy Tulfo ng resolusyon sa Senado para imbestigahan ang “anti-poor” na proseso ng pagkuha ng driver’s license sa Pilipinas para maging mas accessible ito sa mga mahihirap at mga limitado ang budget.

Inihain din ni Tulfo ang Senate Resolution (SR) No. 577 para matugunan ang kasalukuyang isyu ng shortage ng mga plastic card para sa pagi-issue ng lisensiya.

“There have been issues with the process of obtaining driver’s licenses, particularly the requirement to take a Theoretical Driving Course and Practical Driving Course with an LTO-accredited driving school, to undergo a costly medical exam and obtain a medical certificate from an LTO-accredited clinic,” nakasaad sa resolusyon.

“There is a need to ensure that the process of obtaining a driver’s license is streamlined, affordable, cost-efficient, and impenetrable by fixers,” dagdag dito.

Maaalalang nagsagawa ng ocular inspection noong Abril 13 sa Land Transportation Office (LTO) si Tulfo matapos siyang makatanggap ng sunod-sunod na mga reklamo tungkol sa diumano’y korapsyon at katiwalian sa ahensiya.

Sa kasalukuyan, lahat ng bagong driver’s license applicants ay kinakailangang mag-enroll sa LTO-accredited driving school sa halagang P5,000 pataas. Lahat ng bago at for renewal ng driver’s license applicants ay kinakailangang magbayad ng P500 fee para sa vision test.

Nababahala din ang mambabatas sa mga ulat tungkol sa kakulangan ng mga plastic card para sa pag-imprenta ng driver’s license dahil sa nangyaring rebidding kaya ang kasalukuyang driver’s license ay naka-imprenta sa papel.

Binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangang imbestigahan ang mga insidenteng nakapaligid sa bidding ng nasabing mga plastic card gayundin ang mga plaka para maiwasan na maulit ang nasabing problema.

Nais ding imbestigahan ni Tulfo ang mga isyu sa proseso ng pagpaparehistro ng mga motor, partikular na ang requirement ng Compulsory Third-Party Liability (CTPL) insurance na mandatory requirement para sa lahat ng may-ari ng motor vehicle sa Pilipinas.