Raffy Tulfo

Tulfo binira mababang registration ng kasambahay sa SSS, Philhealth

September 21, 2023 Camille P. Balagtas 381 views

BINATIKOS ni Sen. Raffy Tulfo ang napakababang compliance ng Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG sa premium coverage ng mga kasambahay.

Batay sa 2019 joint survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Labor and Employment (DOLE), mayroong 1.4 milyong rehistradong domestic workers sa buong Pilipinas.

Sa 1.4M, 6% o 84,190 kasambahay lang ang na-enrol ng kanilang mga employer sa SSS habang 5% o 74, 858 lang ang nakarehistro sa PhilHealth.

Ang malala pa, 3.4% o 51, 579 na kasambahay lang ang na-enroll ng kanilang mga amo sa Pag-IBIG. Ikinainit ng ulo ni Sen. Tulfo ang mga napakababang rate na ito.

Binigyang-diin ni Tulfo, vice chairperson ng Senate Committee on Labor, na hindi sapat ang ginagawa ng mga ahensyang ito para matiyak na nirehistro ang kanilang kasambahay ng mga employer sa bansa at binabayaran ang kanilang SSS, PhilHealth at Pag-IBIG contribution.

Nanggalaiti din si Tulfo dahil sa kabiguan ng mga barangay na ipatupad ang sistema ng pagpaparehistro para sa mga kasambahay, kahit alam nila na masyadong abala ang ilang mga employer para i-enroll ang kanilang kasambahay para sa nasabing coverage o sadyang iniiwasan gawin ito upang maiwasan ang mga pagbabayad.

Sa ilalim ng “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” dapat irehistro ng bawat employer ang kanilang kasambahay sa barangay kung saan siya naninirahan.

Responsable ang punong barangay para sa pagpaparehistro ng kasambahay sa loob ng kanyang nasasakupan.

Kinuwestiyon ni Tulfo kung bakit aktibo ang mga opisyal ng barangay mag bahay-bahay noong panahon ng halalan ngunit hindi nagawang mag-door-door upang magsurvey sa mga household na may mga kasambahay at matiyak ang pagpapatupad ng Batas Kasambahay.

Bukod dito, inirekomenda rin ni Tulfo na tanggalin ang qualified theft na parusa sa pagnanakaw para sa mga kasambahay dahil ginagamit ng mga employer para pag-initan at idiin ang mga kasambahay sa kasalanang hindi nila ginawa.

Sa ilang mga kaso, sinabi ni Tulfo na may mga pangyayari na tinataniman pa ng mga ebidensya ang kasambahay para madiin sa kasalanang hindi nito ginawa, partikular na ang pagnanakaw.

Pagtapos madiin sa kasalanan, isusumbong sa pulis para makulong nang walang kalaban-laban.