Kulong

TULAK KULONG HABAMBUHAY

September 24, 2023 Edd Reyes 260 views

2 life sentence pinataw ng korte 

PINATAWAN ng dalawang habambuhay na pagkabilanggo ng hukuman ang lalaking tulak ng ilegal na droga, matapos mapatunayang nagkasala sa pagbebenta at pag-iingat ng shabu sa Navotas City.

Sa 18-pahinang desisyon ni Navotas Regional Trial Court Judge Romana P. Lindayag Del Rosario ng Branch 287, malinaw na nailatag ng Tagausig ang mga ebidensiyang magpapatunay na dinakip sa isang buy-bust operation si Saipoden Hadjimacmod Guinal, residente ng Quiapo, Maynila, at nakumpiska pa sa kaniya ang 673.31 gramo ng shabu noong gabi ng Hunyo 25, 2021.

Naging matibay ang mga inihayag na testimonya ng mga tauhan ng Navotas police na noon ay pinamumunuan ni P/Col. Dexter Ollaging, kaugnay sa pagsasagawa ng buy-bust operation, bukod pa sa pagtestigo ng batikang mamamahayag at isang kagawad ng barangay na nakasaksi sa police operation at nag-imbentaryo sa nakumpiskang droga.

Hindi pinaniwalaan ng korte ang depensa ni Guinal na isa siyang negosyante at may kausap pang customer na bumibili ng singsing at bracelet sa kaniya sa harap ng Quiapo Church nang puwersahan siyang damputin ng mga pulis noong Hunyo 25, 2021, ng alas-11 ng tanghali at pina-withdraw pa ang lahat ng kaniyang naipong salapi sa bangko.

Nang tanungin ng Tagausig ang akusado kung may business permit o anumang patunay na siya’y negosyante ng alahas, wala siyang maipakita at bigo rin siyang patunayan na nag-withdraw siya ng salapi sa bangko.

Hindi rin mapatunayan ni Guinal na may kausap siyang buyer sa Quiapo nang damputin siya ng mga pulis at kahit batid ng kaniyang ina at dalawang kapatid na nasa loob siya ng piitan, hindi siya dinalaw ng mga ito at hindi rin nag-report sa pulisya kung totong dinampot siya sa Quiapo at puwersahang pinag-withdraw ng salapi.

Bukod sa dalawang habambuhay na pagkabilanggo, inatasan din ng hukuman si Guinal na magbayad ng kabuuang P1 milyong multa para sa pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.

AUTHOR PROFILE