QCPD

Tsuper nadiskubreng dedo sa taxi sa Kyusi

December 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 141 views

NATAGPUANG patay ang isang driver sa loob ng kaniyang minamanehong taxi sa Quezon City, Biyernes ng umaga.

Ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng lisensiya nito na si Mamerto Abalo Senillo, 53, taxi driver at residente ng Soliven St., Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:50 ng umaga (Disyembre 16), nang matagpuan ang driver na nakalugmok sa nakaparadang taxi nito sa Commonwealth-Philcoa bridge sa Barangay Old Capitol Site, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Alvin G. Quisumbing, abala umano ang isang traffic enforcer sa pagmamantine ng daloy ng trapiko nang mapansin ang taxi cab na nakahambalang sa loading/unloading bay sa lugar.

Nilapitan niya ito upang sitahin ang driver subalit napansin niyang walang malay ito at nakalugmok sa loob ng taxi.

Agad na humingi ng saklolo ang traffic enforcer sa MMDA Response Team at dinala sa Rosario Maclang Bautista General Hospital ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival bandang 6:32 ng umaga, ng attending physician.

Sa isinagawang cursory examination sa bangkay ng biktima, wala namang nakitang senyales ng external injury kaya posibleng namatay umano ito sa isang karamdaman.