Default Thumbnail

Tsino dinukot, natagpuan sa kalye sa Antipolo

June 7, 2023 Jojo C. Magsombol 207 views

ISANG Chinese national na umano’y dinukot ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang natagpuan ng mga barangay tanod na nakaupo sa tabi ng kalsada sa Buliran Road, Bgy. San Isidro, Antipolo City, Rizal dakong alas-10:15 ng gabi nitong Martes.

Ayon sa report, isang concerned citizen ang nanawagan para sa tulong ng mga tanod ng Bgy. San Isidro at inireport ang isang Tsino umano na naiwan sa tabi ng kalsada.

Mabilis na nagresponde ang mga otoridad at nakita ang nasabing dayuhan na halos wala sa sarili na tila nakawala sa mga dumukot sa kanya.

Dinala ng mga tanod ang biktima sa barangay hall para sa panayam sa tulong ng isang Filipino-Chinese na kasalukuyang naninirahan sa Antipolo City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, mga bandang alas-9 ng gabi (Mayo 6), nasa isang lugar sa Pasay City sapilitang dinala ang biktimang Tsino ng apat na hindi pa nakikilalang lalaking Pinoy umano at isinakay sa isang taxi, at naka-blindfold at ikinulong ng ilang araw sa hindi pa malamang lugar.

Kinuha sa kanya ang kanyang mga personal na gamit kabilang ang kanyang passport, cellphone, at cash na nagkakahalaga ng P20,000.

Batay sa salaysay, isang suspek na lalaking Chinese national ang tumawag sa biktima sa pamamagitan ng kanyang telepono at tinanong ang kanyang mga contact.

Sa pakikipag-ugnayan sa Anti-Kidnapping Group (AKG) main office, napag-alaman na ang nasabing insidente ay nai-report sa kanilang tanggapan at ang biktima ay maayos na ibibigay sa kanilang kustodiya para sa kaukulang disposisyon.

AUTHOR PROFILE