PAGASA

Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 nakataas sa 2 lugar sa PH

October 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 235 views

NAKATAAS pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 sa dalawang lugar sa bansa, habang patuloy na lumalakas si Severe Tropical Storm Neneng at kumikilos pasilangan mula sa Babuyan Islands sa extreme Northern Luzon.

Sa 11AM severe weather bulletin ng state weather bureau na Pagasa nitong Linggo, nabatid na ang Signal No. 3 ay nakataas pa rin sa southern portion ng Batanes (Basco, Mahatao, Uyugan, Ivana, Sabtang), at sa Babuyan Islands.

Ang mga naturang lugar ay nakakaranas ng storm-force winds o inaasahang makakaranas ng ganitong kondisyon ng panahon sa loob ng 18-oras. Ang hangin ay maaaring magresulta sa moderate to significant threat sa buhay at ari-arian.

Ang mga lugar naman na nasa ilalim ng Signal No. 2 ay kinabibilangan ng natitira pang bahagi ng Batanes, natitira pang bahagi ng Cagayan, Apayao, northern portion ng Abra (Tineg, Lacub, Lagayan) at Ilocos Norte.

Ang mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 2 ay makakaranas ng gale-force winds o inaasahang makakaranas ng naturang kondisyon sa susunod na 24-oras. Ang hangin ay maaaring magresulta sa minor to moderate threat sa buhay at ari-arian.

Samantala, ang mga lugar naman na nasa ilalim ng Signal No. 1 ay ang northern at central portions ng Isabela (Santa Maria, San Pablo, Maconacon, Divilacan, Palanan, Ilagan City, Tumauini, Cabagan, Santo Tomas, Quezon, Delfin Albano, Mallig, Quirino, Gamu, Roxas, San Mariano, Benito Soliven, Naguilian, Burgos, Reina Mercedes, San Manuel, Aurora, Luna, Cabatuan, San Mateo, Dinapigue, City of Cauayan), Kalinga, natitira pang bahagi ng Abra, Mountain Province, northern portion ng Ifugao (Aguinaldo, Alfonso Lista, Mayoyao, Hungduan, Banaue), at northern at central portions ng Ilocos Sur (Sinait, Cabugao, San Juan, Magsingal, Santo Domingo, San Ildefonso, San Vicente, Santa Catalina, Bantay, City of Vigan, Santa, Caoayan, Narvacan, Nagbukel, Santa Maria, San Esteban, Santiago, Burgos, Banayoyo, Lidlidda, San Emilio, Quirino, Gregorio del Pilar, Galimuyod, City of Candon, Santa Lucia, Salcedo, Cervantes, Suyo, Sigay, Santa Cruz).

Ang mga naturang lugar ay makakaranas ng malakas na hangin sa loob ng susunod na 36-oras. Ang hangin ay maaaring magresulta sa minimal to minor threat sa buhay at ari-arian.

Ayon sa Pagasa, hanggang alas-10:00 ng umaga, ang sentro ng mata ni Neneng ay tinatayang nasa 115 km west northwest ng Calayan, Cagayan.

Mayroon itong taglay na maximum sustained winds na 100 km/h malapit sa gitna, at pagbugso na hanggang 125 km/h, at central pressure na 980 hPa.

Kasalukuyang kumikilos si Neneng patungong west-northwestward sa bilis na 25 kph.