‘Trip lang saksakin natin’
PINAGTULUNGANG saksakin matapos pagtripan ng tatlong kabataang lalaki, kabilang ang menor-de-edad, ang dalawang magkapitbahay na noon ay naglalakad ng pauwi Lunes ng madaling araw sa Malabon City.
Kasalukuyang nakaratay sa Tondo Medical Center ang mga biktimang sina Ramir Mandac, 23, at Rico Nobe, 22, kapuwa binata at residente ng Adante St. Brgy. Tañong, na parehong nagtamo ng mga sugat sa likurang bahagi ng kanilang katawan sanhi ng ginawang pananaksak ng mga suspek.
Nang makarating naman sa kaalaman ni P/Maj. Patrick Alvarado, Commander ng Malabon Police Sub-Station 6 ang insidente, kaagad niyang inatasan sina P/SSgt. Felmark Garcia, P/SSgt. Alexander Neges at P/SSgt. Roldan Angeles na magsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina Glen Abantao, 21, ng Liwayway St. Bayan- bayanan, Jayvee Bulanon,19, ng C4 Road, Brgy Tañong, at ng 17-anyos na binatilyo na naninirahan sa Paltok, Daang-hari, Navotas City.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naglalakad ng pauwi ang mga biktima sa kahabaan ng Adante St. Brgy. Tañong nang mapag-tripan silang sundan ng mga suspek dakong alas-11:30 ng gabi at pagsapit sa madilim na bahagi ng lansangan ay pa-traidor na inundayan ng saksak sa likurang bahagi ng katawan.
Dahil ilang metro lamang ang layo ng dalawa sa kanilang tirahan, nakahingi kaagad sila ng tulong na naging dahilan upang magpulasan ng takas ang mga suspek.