MPDPS6

Trike driver dedo, 1 sugatan sa ‘taga’ ng caretaker

February 11, 2023 Edd Reyes 393 views

KASONG murder at frustrated murder ang kahaharapin ng isang 51-anyos na caretaker nga mga paupahang kuwarto matapos mauwi sa pananaga matapos magtalo diumano sa bayarin sa kuryente sa Sta. Ana, Maynila Biyernes ng hapon.

Namatay habang inoobserbahan sa Ospital ng Maynila ang biktimang trike driver ng Pasig Line Street, Sta. Ana sa lungsod.

Sugatan naman ang 32-anyos na kinakasama nito.

Base sa ulat na nakarating kay Police Lieutenant Colonel Orlando Mirando Jr., commander ng Manila Police District (MPD) Sta. Ana Police Station (PS) 6, bandang 3:30 ng hapon (Enero 10), nang maganap ang insidente sa harap ng isang bahay sa nasabing lugar.

Ayon sa nakalap ni P/Capt. Dennis Turla, hepe ng Homicide Section Unit ng MPD ay naniningil umano ang caretaker ng singil sa kuryente sa mga biktima.

Ngunit bigla umanong nagkaroon ng pagtatalo hanggang nakakuha ng jungle bolo ang suspek at dito umano tinaga ang lalaking biktima sa kanang hita at tagiliran nito.

Nagawa pang salagin diumano ng biktima ang itak kaya nagkaroon ito ng malaking sugat sa kanang braso.

Umaawat naman noon ang kinakasama ng biktima kaya tinamaan ito ng wasiwas ng jungle bolo na may habang 19 na pulgada.

Mabilis na isinugod sa nasabing pagamutan ang dalawa, subalit dakong 5:35 ng hapon nang bawian ng buhay ang trike driver at ligtas naman na sa kapahamakan ang live-in partner nito.

Naaresto ang caretaker sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad.

AUTHOR PROFILE