Kulong

Trike driver, bebot kulong sa droga dahil sa simpleng ordinansa

July 8, 2023 Jonjon Reyes 241 views

MAGKASAMANG humihimas sa rehas na bakal ang tricycle driver at ang isang babae na kaanib ng Sputnik Gang, matapos masita sa isang simpleng ordinansa at nadiskubre ang dalawang plastic sachet na may hinihinalang “shabu” Biyernes ng gabi sa panulukan ng CP Garcia at San Roque Streets, Barangay 118, Tondo sa Maynila.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros, commander ng Manila Police District (MPD)-Raxabago Police Station 1, ang dalawa na sina Ronald Kabuhayan, 21-anyos, binata at trike driver, at si Mary Ann Fernandez, 43-anyos, miyembro ng Sputnik Gang at residente ng CP Garcia Street, Tondo.

Base sa ulat ni Police Major Paul Benjamin Mandane, hepe ng Don Bosco Police Community Precint, bandang 10:15 ng gabi ay nagmamaneho ng tricycle si Kabuhayan, angkas si Fernandez, nang masita ito ng mga awtoridad.

Nang magberipika ang pulisya, natuklasan ang dalawang plastic sachet na may hinihinalang shabu na katumbas sa halagang P3,400.

Dahil dito, nahaharap si Kabuhayan sa kasong paglabag sa Section 11 Article ll ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, nagsasagawa ng “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation ang mga tauhan ni Fabros.

Kaugnay nito, naglatag ng buy-bust operation ang mga tauhan ni Police Lt. Colonel Restito Acohon, commander ng MPD-Delpan Police Station 12, sa Gate 18 Area-H Bgy. 20 sa Parola Compound sa Tondo Sabado ng madaling araw

Isang nagngangalang “Richard” na 35-anyos at isang alyas “Joel” na 36-anyos ang umano’y target sa operasyon.

Bandang 1:40 ng madaling araw nang makabili ang nagpanggap na buyer na isa sa mga tauhan ng SDEU sa naturang lugar.

Nang painan umano ng minarkahang perang P500, dito na dinampot ang dalawang suspek at nakarekober ang mga operatiba ng apat na plastic sachet na may hinihinalang shabu na katumbas ng halagang P17,000.

Dahil dito, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Sale and Possession of Dangerous Drugs, Article II ng RA 9165 ang mga suspek.
Lubos naman ang pasasalamat ni MPD chief PBGen. Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng Maynila dahil sa walang sawang pagpapairal ng kanyang programa laban sa mga kriminal.

AUTHOR PROFILE