Default Thumbnail

Tricycle vs SUV sa QC, 1 patay

June 13, 2022 Melnie Ragasa-limena 404 views

PATAY ang isang vendor habang sugatan ang dalawa pang katao nang magsalpukan ang isang tricycle at isang sports utility vehicle (SUV) sa Brgy. UP Campus, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Dead on the spot ang biktimang nakilala na si Evangelin Bautista Nabual, vendor, ng 357 Oxon St., Sampaloc, Manila habang ang mga sugatan naman ay nakilalang sina Abegail Montefalcon, 18, residente rin ng naturang lugar, at Mark Anthony Dionicio, 31, driver ng tricycle, at residente ng 149 Katuparan St., Brgy. Commonwealth, QC.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na si Myrvin Cortes, 47, ng North Susana, Quezon City, na nagmamaneho ng isang Mazda SUV na may conduction sticker na O0D199.

Batay sa ulat ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District (QCPD)-District Traffic Enforcement Unit, dakong alas-3 a.m. (June 13) nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Commonwealth Avenue.

Lumilitaw na kapwa umano binabaybay ng tricycle ng mga biktima at ng SUV ng suspek ang naturang lugar nang mangyari ang aksidente.

Pagsapit sa tapat ng Microtel ay nabangga ng unahang kaliwang bahagi ng SUV ang hulihang bahagi ng tricycle.

Dahil dito, tumama ang tricycle sa concrete barrier at tumaob sa kalsada sanhi upang magkayupi-yupi ito at halos humiwalay pa ang motor.

Tumilapon rin umano ang mga biktima mula sa tricycle na nagresulta sa kanilang pagkasugat at malaunan ay pagkamatay ni Bautista, na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.

Ligtas naman ang driver ng SUV na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries at damage to property sa piskalya.