Tricycle driver timbog sa unlicensed gun
DINAKIP ng pulisya ang 37-anyos na tricycle driver matapos marekober sa kanyang bahay tirahan ang isang hindi lisensyadong baril Biyernes ng gabi sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang suspek na si Danilo Callo Jr., ng 580 Waling-Waling St. Barrio San Roque, Brgy. 187.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Caloocan City Prosecutor’s Office si Callo.
Sa ulat na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng reklamo si P/Maj. Segundino Bulan, Jr. Commander ng Caloocan Police Sub-Station-14 hinggil sa pag-iingat ng baril ng suspek.
Nang matiyak ng pulisya na nasa bahay na si Callo, kaagad na isinilbi ng mga tauhan ng Sub-Station 14 ang search warrant dakong alas-10:45 ng gabi.
Nang makuha ng mga pulis sa bahay ng suspek ang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala, hinanapan siya ng lisensiya na magpapatunay na legal ang pag-iingat niya ng armas at nang walang maipakita, doon na siya inaresto ng pulisya.