Tricycle driver nagbigti sa QC

June 15, 2021 Melnie Ragasa-limena 146 views

NAGPATIWAKAL sa pamamagitan nang pagbibigti ang isang tricycle driver sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Bungad, Quezon City, nitong Martes ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Robin Malaga Magsakay, 29, may asawa, tricycle driver at naninirahan sa No.7-A Bayaya St., Barangay Bungad, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-8:30 ng umaga (June 15) nang matagpuan ang nakabigting katawan ng biktima sa loob ng kanilang inuupahang tahanan.

Batay sa pahayag ng misis ng biktima na nakilalang si Mary Garce sa imbestigador na si PCpl Alvin Sarmiento, tatawagin sana umano niya ang kaniyang mister upang yayain na mag-almusal.

Subalit nang tunguhin umano ni Mary Grace ang kanilang silid ay bumungad sa kaniya ang nakabigting katawan ng mister sa kisame gamit ang pulang kurtina na ipinulupot sa leeg nito.

Agad na humingi ng saklolo si Mary Grace sa kaniyang tiyuhin na si Roel Valera pero nang maibaba sa pagkakabigti ang biktima ay wala na itong buhay.

Ayon sa misis ng biktima, wala siyang alam na dahilan kung ano ang nagtulak sa kaniyang mister na magpakamatay, pero nitong mga huling araw ay napansin umano niya na wala itong kibo at tila malalim ang iniisip.