Crime

Treasurer patay sa pres ng homeowners’ assoc sa QC

August 20, 2023 Melnie Ragasa-limena 159 views

PATAY ang treasurer ng isang homeowners association sa Quezon City matapos umanong barilin ng presidente ng nasabing association.

Dead-on-arrival na sa Rosario Maclang Bautista General Hospital ang 45 anyos na biktima dahil sa isang tama ng bala sa dibdib.

Arestado naman ang suspek na kasalukuyang ginagamot sa East Avenue Medical Center.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente pasado alas-9:00 ng gabi noong Agosto 18, 2023 sa bahay ng biktima sa Baranggay Batasan Hills.

Base sa imbestigasyon, nakainom ang suspek nang dumating sa bahay ng biktima.

Agad bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ng isang beses sa dibdib ang biktima sa harap mismo ng kaniyang asawa.

Nagawa naman umanong agawin ng asawa ng biktima ang baril mula sa suspek.

Naaresto naman ang suspek ng rumespondeng operatiba ng QCPD Station 6.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.