Transportation chief, hinatulan!
MAKUKULONG ng halos walong buwan, pinagmulta ng estado ng halos P16M dahil sa pagtanggap ng regalo sa isang event organizer, paghingi ng libreng tiket sa okasyon, pagpapalibre sa eroplano at pagtanggap ng alak mula sa isang kontraktor at pagtanggap ng bisikleta mula rin sa isang kontratista sa pamahalaan.
Ang halaga ng libreng tiket ay nasa P1.8M, ang ibinigay, pamasahe sa eroplano ay nasa P896,000, ang halaga ng regalong 14 bote ng alak ay nasa P120,000 at ang bisikleta naman ay umabot sa P340,000.
Ito ang isa sa pinakamalaking balita ngayon sa Singapore dahil sa eskandalong kinasangkutan ng kanilang dating Transportation Minister.
Ang event na tinutukoy dito ay ang F1 o Formula 1 na isa sa pinakamalaking event sa Singapore. Pero hindi itong recent F1 na katatapos lang. Batay sa alegasyon, nagmula ang sampung tiket sa mismong organizer ng F1. Kung P1.8M worth ng free tickets, ang ibig sabihin ay P180,000 ang bawat isang tiket.
Nito lang nakaraang linggo, nagkaroon tayo ng tiyansa na makanood ng F1 sa Singapore. Libre rin ang tiket ko na ayon sa kaibigan kong nasa P500,00 ang presyo pero hindi naman ako naniniwala. Baka lang miyembro ng mahangin family iyon kaya ako niyabangan sa halaga ng tiket. Safe sigurong sabihin baka nasa P50,000 to P100,000 ang tiket kasi nga VIP access, may unli-food and drinks at ang gallery na pinuntahan namin ay exclusive deck na kitang-kita mo ang mga kumakaripas na sports car.
Sa tingin ko, parang hindi rin worth ang ganyang kamahal na tiket, lalo na’t hindi mo naman nakikita ang buong karera bagama’t dumadaan sila paisa-isa sa harap mo. Pero may mga tao talagang mahilig sa ganitong sports kaya hindi mo rin masisi kung gagastos sila nang malaki para dito. Second time ko nang nakanood ng F1, iyong una mga 15 years ago na ata iyon pero doon lang kami sa general admission access. Baka mga P5,000 ang presyo ng tiket namin noong mga panahong iyon. Mahal pa rin di ba?
Sa totoo lang naman, ang gusto ko talagang talakayin dito ay kung gaano ka-sensitibo ang Singapore government sa pagkakaroon ng matuwid na lingkod-bayan. Maganda itong maging padron sa kahit saang bansa or dito sa atin para mas ma-appreciate ng mga mamamayan ang buwis na kanilang ibinabayad.
Ngayong unang linggo ng Oktubre inaasahang ibaba ang hatol laban sa dating opisyal ng transportasyon ng Singapore. Kapag minalas-malas pa ito, baka lifetime ban siya sa government service.
Ang hindi lang alam ay kung may bitay sa Singapore kapag korapsiyon ang isyu!