Transport groups ‘saludo’ sa pagkakatalaga kay Guadiz

August 2, 2022 Jun I. Legaspi 218 views

PINURI ng mga transport group si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pag-appoint kay Atty. Teofilo “Jojo” Guadiz III upang pamunuan ang Land Transportation Office (LTO).

Sa magkakahiwalay na interview sa mga major transport group leaders, inihayag nila ang kanilang tiwala, at sa mataas na kalidad ng leadership ni Guadiz upang “ibangon ang imahe ng ahensiya”.

Sinabi ni Engineer Alex Yague, executive director ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), hindi niya personal na kilala si Guadiz pero “ang serbisyo nito sa taong bayan [ay] kitang-kita ang pagiging makamasa.”

“Gusto namin ang open door policy [kasi] kapansin-pansin madali siyang kausapin at lapitan talagang tama lang na siya ang inilagay ni PBBM sa LTO,” saad ni Yague.

Komento naman ni Juliet de Jesus, pangulo ng Metro Manila Bus Operators Association (MMBA), sinabi nito na “personal” niyang kilala si Guadiz at alam niya ang kredibilidad nito, sistema, at kalidad – kung paano magtrabaho ito “para sa ikabubuti ng lahat lalo na para sa taong bayan.”

“Yan ang laging nasa isip niya kung ano ang [makakabuti] sa taumbayan ng kanyang pagseserbisyo bilang empleyado ng gobyerno, talagang ‘public servant’ si Guadiz at bagay na bagay siya sa agency,” paliwanag naman ni De Jesus.

Ayon kay Obet Martin, pangulo ng PASANG MASDA, itinuturing na “expert” at malalim ang karanasan ni Guadiz sa LTO kung kaya’t alam na alam nito “kung paano imaneho ang ahensiya tungo sa maayos at mabilis na serbisyo publiko.”

“Yung tagal niya sa ahensiya bilang director sa National Capital Region at Region 1 bago naging (LTO) Chief malaking bagay yun, alam namin kabisadong-kabisado ni Guadiz kung paano imamaneho ang LTO para mabago ang imahe nito,” ani Martin.

Sa pananaw ni Atty. Ariel Inton, ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) at ang mga kaalyadong grupo nito, umaasa silang magiging iba si Guadiz sa mga naunang namuno sa LTO.

Pangunahing ipinunto ni Inton ang kontrobersyal na “No Contact Apprehension Policy” o NCAP.

Ayon kay Inton, dapat ipakita ni Guadiz sa publiko na “tama” ang transport sa kanilang expectation na “pro public” siya at talagang madaling lapitan.

Hinamon ni Inton si Guadiz na ipakita nito sa kanila kung talagang merong memorandum ang NCAP sa LGUs (local government units) kaugnay sa hindi pag-renew ng rehistro ng mga sasakyan kapag may paglabag sa NCAP.

Samantala, maging ang mga grupo at kooperatiba ng taxi, UV (utility vehicle) Express, school bus, trucks at iba pang PUVs (public utility vehicles) ay malaki ang “tiwala” sa bagong talagang LTO chief.

AUTHOR PROFILE