Transport groups kay PBBM: Maraming salamat mahal na Pangulo
NAGPASALAMAT ang mga lider ng malalaking transport groups kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa pagtanggi sa resolusyon ng Senado na suspendihin ang pagpapatupad ng Public Transportation Modernization Program (PTMP).
Sinabi ng lider ng “Magnificent 7” na gumawa si Pangulong Marcos ng makatwirang desisyon na magbibigay ng malaking benepisyo sa sektor ng transportasyon.
Kabilang sa mga patakarang ito ang consolidation ng mga operator sa isang korporasyon o kooperatiba na natapos na noong Abril 30 matapos ang huling extension na ibinigay ni Pangulong Marcos.
“Ipinapaabot namin ang aming taos-pusong pasasalamat sa ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang desisyon na huwag katigan ang resolusyon ng mga senador na suspendihin ang PTMP implementation,” ayon sa Magnificent 7.
Sa pagtanggi sa resolusyon ng Senado, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi minadali ang PTMP dahil ang consolidation, na siyang unang hakbang tungo sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon ng bansa, pinalawig ng hindi lang isang beses kundi pitong beses.
Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista na gumastos na ang pamahalaan ng bilyun-bilyong piso para sa PTMP.
Noong Abril 30, 2024, mayroong 6,090 na consolidated na ruta at mula sa 1,574 LGUs sa buong bansa, 71% ang nagsumite ng kanilang draft LPTRPs para sa pagsusuri at pag-apruba ng DOTr/LTFRB.
Noong Hulyo 17, 2024, mayroong 11,165 modernong jeepneys/vehicles na sumusunod sa Philippine National Standards ang nag-ooperate sa buong bansa; 80 modernong modelo ng PUV ang inaalok ng 28 manufacturers/assemblers, kung saan 58% lokal na binuo ng 16 na manufacturers.
Hanggang Abril 30, 2024, umabot na sa 83.38% ang consolidation sa buong bansa; ang Office of Transport Cooperatives nag-accredit ng 1,781 kooperatiba na may 262,870 miyembro.
Kabuuang 42,352 na benepisyaryo ang nakatanggap ng social support mula sa Program’s Tsuper Iskolar Program (TESDA training), habang 10,867 benepisyaryo ang nakinabang mula sa EnTSUPERneur Program (livelihood package).
Ayon kay Bautista, ang pangkalahatang epekto ng PTMP mula nang magsimula ito noong 1992 lubos na positibo.
“This could undermine progress and damage relationships with stakeholders, particularly given that a significant percentage have already consolidated. Also, significant resources have already been invested in developing and implementing the PTMP,” dagdag niya.