
Trak vs 2 motor: 4 dedo , 2 sugatan
APAT katao ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan matapos salpukin ng isang trailer truck ang dalawang motorsiklo sakay ang mga biktima noong Sabado sa Negros Oriental.
Nakilala ang mga nasawi na sina Ruel Pascual, 43, ang asawa niyang si Analie, 47 at 15-anyos na anak na babae.
Patay din ang isa pang rider na si Meliton Blanco, 59, at sugatan si Wilson Kial, 43, gayundin ang driver ng truck.
Batay sa report ng PNP, naganap ang aksidente sa Barangay North Poblacion, Bacong, Negros Oriental.
Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang driver ng trailer truck sa manibela makaraan sumabog ang gulong nito kaya nabangga niya ang mga biktima na lulan ng kanilang mga motorsiklo.
Naipit ang mga biktima ng truck at nakaladkad pa hanggang sa halos madurog ang katawan nang bumangga pa ang truck sa isang bahay.
Humingi ng paumanhin ang driver ng truck sa pamilya ng mga nasawi at sinabing hindi niya sinasadyang masalpok ang mga ito.