Trak sumalpok sa trak sa Caloocan, driver patay

July 22, 2021 Edd Reyes 206 views

PATAY ang 45-anyos na truck driver nang sumalpok ang kanyang minamanehong sasakyan sa likuran ng isang trailer truck Miyerkules ng gabi sa Segment 10 ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Caloocan City.

Idineklarang dead on arrival si Levi Plopino, residente ng 57 M. Gregorio St. Canumay, Valenzuela City sa Manila Central University (MCU) Hospita.

Sa isinumiteng ulat ni traffic investigator P/Cpl. Joemar Panigbatan kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, tinatahak ng trak na minamaneho ng biktima ang kahabaan ng Segment 10 ng NLEX na sakop ng Sangandaan patungong C-3 Road dakong alas-8 ng gabi nang sumalpok siya sa hulihang bahagi ng sinusundang trailer truck na minamaneho ni Joseph Kabiling, 31, residente ng Concepcion, Lubao, Pampanga.

Sa lakas ng pagkakasalpok, nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktima kaya’t duguan at wala siyang malay nang isugod ng ambulansiya sa pagamutan subalit hindi na rin umabot ng buhay.

Dinala naman sa Caloocan Police Traffic Bureau ang driver ng trailer truck upang imbestigahan, bago i-prisinisinta sa Caloocan City Prosecutor’s Office para harapin ang kasong reckless imprudence resulting in homicide with damage to property na isinampa laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE