Sethdrea

Trabaho, gamot sa problema ni Andrea

December 2, 2021 Vinia Vivar 293 views

Walang kaso sa magka-loveteam na sina Andrea Brillantes at Seth Fedelin kahit halos wala na silang pahinga dahil sa sunud-sunod na trabaho.

Pagkatapos kasi nilang gawin ang Huwag Kang Mangamba ay nagsimula na silang mag-taping agad ng bagong serye, ang Saying Goodbye na mapapanood na ngayong Disyembre sa iQiyi.

May pagbibidahan din silang musical series na ipalalabas naman sa 2022, ang Lyric and Beat.

Kaya naman wala na halos time magpahinga ang dalawa dahil pagkatapos ng isang project ay may panibago agad silang gagawin.

Sa nakaraang episode ng online show na We Rise Together, natanong nga ang SethDrea kung paano ang paga-adjust na ginagawa nila sa magkakasunod na trabaho.

Ayon kay Seth, kahit mahirap, mas mabuti na ang walang pahinga kesa laging pahinga.

“Mahirap isipin na ‘yung nga, sunud-sunod, walang pahinga, pero kapag gusto mo ang ginagawa mo, hindi mo maiisip ‘yun, eh.

“Kapag gusto mo ang ginagawa mo, pag gigil ka na magawa ang isang bagay, kahit ano pa ‘yan, kahit saan ka dalhin, kahit sabihin nating araw-araw ka magtrabaho, ‘pag gusto mo talaga, eh hindi mo maiisip yon.

“At ‘yun ako, ‘yun ang mindset ko kasi. Buti nga, eh, walang pahinga kaysa naman may pahinga, di ba? Okay na ‘yung walang pahinga kaysa naman nagpapahinga ka, nakaupo ka lang,” ani Seth.
Same with Andrea.

Aniya, mas gusto niya ang napapagod kesa nagpapahinga.

“Ako kasi sinabi ko talaga kay Ma’am Cory (Vidanes), kilala rin naman nila talaga ako, sinasabi ko na ‘okay lang na pagurin niyo ako. Mas gusto ko na napapagod ako kaysa sa nagpapahinga ako.

“Saka totoo rin naman, kasi ‘pag gusto mo ang isang bagay, kahit mukhang nakakapagod siya… kasi mukha naman talagang nakakapagod. Totoo naman din at inaamin ko, physically napapagod din ang katawan ko, kasi tao lang din naman ‘yung katawan ko, pero ‘yung fighting spirit ko nandiyan pa rin. Kapag gusto mo kasi ang isang bagay kahit gaano kabigat ‘yan ang gaan-gaan para sa iyo na gawin,” sey ni Andrea.

Ang trabaho rin daw ang nagsisilbing solusyon at gamot kapag may mga problema or pinagdadanaan siya.

“Mas lumalala ang anxiety ko kapag walang trabaho kasi nakatulala lang ako sa bahay,” sambit pa ni Andrea.

TRENDING TOPIC

Patuloy ang pagpuri ng netizens sa Viral Scandal at sa galing ng pag-arte ng cast members. Araw-araw ngang trending topic ang hashtags ng episode.

Sa episode nitong nakaraang Miyerkules, sa hindi inaasahang panahon, nakita nga ni Dan (Miko Raval) ang asawang kausap si Mayor Troy Ramones.

Ngunit hindi alam ni Dan na nakipagkita lang ang asawa para kumprontahin ang mayor matapos malaman ni Kakay (Dimples Romana) ang koneksyon ni Atty. Laura Dizon (Ria Atayde) kay Troy.

Napagtanto nga niya na galing kay Troy ang abogado matapos mabuksan ni Laura (Ria) ang usapan tungkol sa nangyari sa kanya noong 17 taong gulang siya.

Sigurado siya na tanging si Troy lamang ang may alam sa sikretong iyon.Dahil sa mga nalaman, desidido na siya na hindi na kunin si Laura at humanap ng iba.

Sa kabilang banda, unti-unti nang nakilala ng manonood ang karakter ni Kyle (Joshua Garcia). Hanggang ngayon, hindi pa rin maalis sa kanyang isipan si Rica at patuloy pa rin siyang nagbabakasakaling makita ito. Mas magiging posible naman ito lalo pa at magbubukas siya ng kanyang business sa Sidero na Balai Arkitektura.

Napapanood ang Viral Scandal gabi-gabi, 9:20, sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, iWantTFC at WeTV iflix.

Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

AUTHOR PROFILE