TRA sa Bicol gagawin na
TABACO, Albay–Nag-groundbreaking na sa Hiraya Manawari Nature Park sa siyudad na ito ang kauna-unahang Tourist Rest Area (TRA) sa Bicol sa pangunguna ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco at Tabaco City Mayor Cielo Krisel Lagman.
Ito ang unang TRA sa Pilipinas na nakatanggap ng mga pagbabago sa flagship tourist facility na itinatayo ng Department of Tourism sa pamamagitan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
May solar panel roofing, rainwater harvesting system at iba pang eco-friendly features ang TRA.
Binigyang-diin ni Frasco na sumasalamin ang pagtatatag ng TRA sa dedikasyon ng DOT sa pagpapahusay ng mga serbisyo at facilities para sa mga turista.
“Tabaco City represents sustainable tourism which very well resonates with the National Tourism Development Plan of the national government.
Binibigyan po natin ng kahalagahan ‘yong preservation ng ating mga destinations, and of course, binibigyan natin ang ating mga komunidad ng opportunities para po mag-improve ‘yong kanilang buhay sa pamamagitan ng turismo,” sabi ng tourism secretary.
Ang lokasyon ng TRA–ang Hiraya Manawari Nature Park–nagpapakita rin ng pangako ng Tabaco sa pangangalaga sa kapaligiran kasama ang marami sa mga istruktura na itinayo mula sa mga recycled na materyales.
Kasabay ng groundbreaking, sinelyuhan ng DOT at Tabaco City ang kanilang partnership sa pamamagitan ng paglagda sa isang kasunduan para sa pagtatayo ng TRA.
Nilagdaan ang MOA nina Secretary Frasco, Mayor Lagman at TIEZA OIC Assistant Chief Operating Officer Jeoffrey Macalalad, kasama sina Albay Vice Governor Glenda Ong Bongao at DOT Regional Office V Director Herbie Aguas bilang mga saksi.