Default Thumbnail

Totoong lider naman para sa kinabukasan

October 29, 2021 Allan L. Encarnacion 358 views

Allan EncarnacionSINGKUWENTA’Y kuwatro na ako nitong nakaraang Oktubre 15. Kung pagpalain pa tayo ng Panginoon ng karagdagang mga taon, buwenas nang makadalawa o makatatlong Presidente pa ako na nakadilat at hindi pa nagpapantay ang aking mga paa.

Kung isang Presidente na lang o anim na taon na lang, huling pakiusap ko na pala ito sa ating mga kababayan na bigyan naman tayo ng matinong lider sa 2022 para iyong mga apo natin ay magisnan naman ang bagong pag-asa para sa ating bayan.

Hindi ko alam kung aabutin ko pang umayos ang bayan natin at umayos ang ating mga nagiging lider. Hindi biro ang pinagdaanan natin magmula noong 1986. Doon nagsimulang masira ang lahat ng ating kultura, doon nagsimula ang pagkawasak ng karakter ng mga pulitiko, kasama na ang pagkasira ng karamihan sa ating mga mamamayan, hindi ko iaalis ang aking sarili, kasama na ako doon.

Pero sabi nila, higit na dapat maunang maging matino ay ang mga nagiging lider dahil sila ang timon, sila ang ating tinitingnan ng publiko at nasa kanila ang kapangyarihan para linisin ang bayan.

Wala tayong tutukuyin sa mga kandidato ngayon pero ang panawagan natin sa publiko ay maging makilatis nang hindi kailangan na parang manok sa palengke na aamuy-amuyin or pipisil-pisilin ang mga aspiranteng humihingi ng inyong boto. Magtanong-tanong, magbasa, masaliksik at dagdagan pa ang sipag sa pagbusisi sa kanilang mga pagkatao.

Lahat ng mga maririnig nyo sa mga kandidato ngayon, aayusin ang bayan, lilinisin ang katiwalian, maglilingkod nang buong tapat, paiiralin ang pagkakapantay-pantay at uunahin ang kapakanan ng bansa.

Yan iyong sa nasa entablado, yan iyong may hawak silang mikrpono, yan iyong nasa telebisyon at radyo sila. Hindi nyo sila masusukat dyan, wala kayong mapupulot na katotohanan sa mga yan kung hindi kayo magsasaliksik.

Palagi ko nga sinasabi, kung tumupad lang ang mga pultiko sa kanilang mga sinabi magmula nang isilang tayo, baka nasa paraiso na tayong lahat kasama ng mga anghel at nakikita nating naghahabulan sila Eba’t Adan sa paligid ng mga malls.

Ang problema natin, pantasya lang ang lahat sa tuwing kampanya pero pagkatapos ng eleksiyon, balik na naman sa dating gawi, masukal na bayan, korap na lider, walang sistemang pamahalaan, anarkiya kahit saan.

May mga kandidato na hindi pa man nakakapuwesto, gusto ay super VIP na ang trato sa kanila, gusto pinapanginoon sa mga lugar na kanilang pinupuntahan. At ang tingin ng mga tao ng VIP sa mga dinaratnan nilang tao, etsas lang! Pati mga tauhan ng VIP, parang mga bangaw na nakatungtong sa kalabaw!

May mga kandidato rin na ang tema ng kampanya ay pagkakaisa at pagkakapantay-pantay pero wala pa sa trono, ginigipit na ang mga negosyanteng hindi niya supporters. May pinaboboykot pa. Hayup na buhay ito!

May iba ring kandidato na kulang na lang ay magkaroon ng halo sa ulo sa pagkasanto at sa tuwing nasa harap ng publiko, pakiramdam mo’y lalagpas siya sa langit sa sobrang bait. Pero ang totoo, hindi mo kayang lunukin ang kanyang pagkatao kapag nakilala mo.

Kung minsan, gusto mo mang magsawang umasa, kailangan mo pa ring ikunsidera ang paglaban at pag-asa para sa bayan. Hindi ko lang alam kung kailan ito at kung mangyayari nga ba ito sa aking lifetime bago tanghaling bangkay sa hinaharap.

Ingat tayo sa ating pagpili.

[email protected]