Topacio

Topacio umapela na huwag gamitin Pharmally issue sa kampanya

April 26, 2022 People's Tonight 88 views

NANINIWALA si Atty. Ferdinand Topacio na hindi tamang isama ni Sen. Dick Gordon sa kampanya para sa kanyang kandidatura ang kontrobersiya ng Pharmally.

Ipinaliwanag ni Topacio na nagmukhang tiwali umano ang kanyang mga kliyente na sina Pharmally Director Linconn Ong at Pharmally Secretary Mohit Dargani sa political advertisement ni Gordon gayong ipinakulong lamang ang mga ito sa kasong contempt sa gitna ng Senate hearing.

“Under the Constitution, Ong and Dargani enjoys the presumption of innocence and the right to due process, both of which have been denied them,” ayon sa Tweet ni Topacio.

Sinabi ni Topacio na anim na buwan nang nakakulong sina Ong at Dargani kahit tapos na ang Senate investigation sa Pharmally at naka-recess na ang Senado.

“My clients have been made to look guilty without the benefit of even a court case, much less a trial,” giit ni Topacio.

Nanawagan si Topacio kay Senate President Tito Sotto na huwag hayaang magamit ang Senado sa anomang isu.

Umaapela din ito sa ibat-ibang media platforms na tanggihan ang political ads ni Gordon.

Sa isang tweet, sinuportahan rin ni Atty. Trixie Angeles ang posisyon ni Topacio.

Naunang sinabi ni Sen Panfilo Lacson, kasapi ng Senate Blue Ribbon Committee, na dapat nang palayain ang dalawa dahil tapos na ang imbestigasyon ng Senado sa Pharmally at mayroon ng final report dito na kinontra naman ni Gordon dahil preliminary report pa lamang ang ipinalalabas ng komite.

Nanindigan naman si Topacio na walang preliminary report sa Senate rules.

AUTHOR PROFILE