PNP Pinuri at pinasalamatan ni MPD Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco (kaliwa) ang kanyang mga kapulisan sa Malate Police Station 9 sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, dahil sa pagkakaaresto sa top 3 na most wanted sa Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

Top 3 MWP nasakote sa MPD SACLEO

May 3, 2022 Jonjon Reyes 161 views

INARESTO sa bisa ng arrest warrant ang isang 41-anyos na fieldman dahil sa kasong murder sa Paco, Maynila Sabado ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Marvin Basa, residente ng Gomez St., Paco sa Maynila at nasakote sa pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD) Station 9 at ng Criminal Investigation And Detection Group (CIDG).

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng MPD-Malate Police Station 9, bandang 5:30 ng hapon nahuli ang suspek sa bahay nito sa Paco sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Armando Yanga, ng Regional Trial Court Branch 173 ng Maynila na may petsang Hunyo 26, 2018 na may inirekomendang piyansa na P100,000.

Ang pagkakahuli sa suspek ay bunsod ng koordinasyon ng CIDG na naka-base sa compound ng MPD dahil sa pinaiiral na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) at si Basa ay napabilang sa top 3 most wanted person (MWP) sa station level.

Muli naman pinasalamatan ni MPD Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco ang Malate Station 9 sa pamumuno ni Borbe dahil sa matagumpay na pagkakahuli sa top 3 na most wanted sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE