
Tolentino: Pagpapauwi sa PH envoy ‘pinakamalakas na mensahe’ ng protesta sa China
INIHAYAG ni Senador Francis “Tol” Tolentino na ang pagpapauwi sa ambassador ng Pilipinas sa China ang “pinakamalakas na mensahe” na maipapakita ng Pilipinas sa diplomatikong paraan sa gitna ng tumataas na tensyon sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Senador Tolentino na hindi lamang ipahahayag ng Pilipinas ang pagkadismaya nito sa China sa “pinakamataas na anyo” bagkus ay maipakikita rin sa international community ang tahasang paglapastangan ng China sa soberanya ng Pilipino.
Hinimok ng mambabatas ang pagpapabalik matapos muling i-harass ng mga barko ng Chinese Coast Guard ang isang Filipino humanitarian resupply mission sa pamamagitan ng water cannon.
“(Sa pag-recall), bukas pa rin ang consulate sa China, pero ipakikita sa buong international community na sobra-sobra na ang paglapastangan sa atin,” sabi ni Senator Tolentino, chairperson ng Senate special committee on maritime and admiralty zones.
Nang tanungin kung ang pagpapabalik sa Philippine envoy sa China ay lalo lang magpapalala ng tensyon, sinabi ni Tolentino na: “Ano pa ho ba ang lalala dito? Kailangan nating tumugon, hindi dapat tanggapin ito.”
“Iyon po ang highest form of a diplomatic message that we can give at this time. Noong may away ang Iran at Saudi Arabia, pinauwi ang ambassador ng Iran galing Saudi, to give the strongest message na hindi namin gusto ang ginagawa niyo,” idinagdag ng mambabatas.
Hiniling din ni Senador Tolentino ang pagpapasa sa panukalang batas na Maritime Zones Act, sa pagsasabing ito ay apurahan na at matagal nang nakabinbin sa harap ng patuloy na tumataas na tensyon sa pinag-aagawang karagatan.
“Kaya minamadali po natin ang Maritime Zones law, baka sa Enero ito matatapos. Nakasaad yung ating karapatan, ng mangingisda nating mga kababayan,,” sabi ni Tolentino.
“Hindi namin kinikilala ang forced occupation niyo. Ginawa natin na ang arbitral ruling ay bahagi ng batas, (pati) ang UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Seas). Gagawin nating domestic law ito na kilalalanin ng international community,” idiniin pa niya.