Tolentino nanguna sa pamamahagi ng ayuda, pagpapasinaya sa pinakamalaking barangay hall sa Maynila
PABOR si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na mabigyan ng kaukulang pondo ang Ayuda sa Kapos and Kita Program (AKAP) na aniya ay makakatulong sa mga mamamayan na hindi sapat ang kita para sa pang araw-araw na gastusin.
Gayunman, nilinaw ng Senador na kung mas nakakarami sa kanyang mga kasamahang mambabatas ang tutol na lagyan pa ng pondo ang naturang programa, susunod siya sa kagustuhan ng lahat at hindi na magtatangka pang makipagtalo sa mga kasamahan.
Inihayag ito ng Senador sa kanyang pagdalo sa pagpapasinaya ng pinakamalaki at pinakamataas na limang palapag na gusali ng bagong Barangay Hall sa Barangay 667 Zone 72 sa Arquiza St., Ermita, Manila, na pinamumunuan ni Barangay Chairwoman Margarita Mendoza-Clemente sa Arquiza St., Ermita, Manila Sabado ng hapon..
Ayon kay Tolentino, ito lang ang kaisa-isang barangay hall sa buong Maynila na mayroong elevator matapos niyang buhusan ng pondo ang pagpapatayo nito sa kahilingan na rin sa kanya ni Manuel “Noli” Mendoza, ang Chairman Emeritus ng barangay at ama ng kasalukuyang Kabesa, lalu na’t isa ito sa panuntunang ipinaiiral ng Building Official ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga gusaling higit sa apat na palapag.
Bukod sa pagpapasinaya sa bagong barangay hall, dinaluhan din ni Tolentino ang pamamahagi ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) na ginanap sa basketball court ng naturan ding barangay.
Aabot sa 750 benepisyario na pawang mga senior citizen, persons with disability (PWD), at single parents na naninirahan sa naturang barangay ang tumanggap ng tig-P2,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na napondohan ng tanggapan ni Senator Tolentino,
Lubos na pasasalamat naman ang ipinaabot ni Chairwoman Clemente at Chairman Emeritus Noli Mendoza sa Senador na matagal na nilang kaibigan at minsan na ring nanirahan sa kanilang barangay.