Tolentino: Maging malikhain sa paglutas ng problema sa trapiko
HINIMOK ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mga lokal na pamahalaan na maging malikhain sa paghahanap ng solusyon sa mga problema sa trapiko.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag sa groundbreaking ceremony ng Traffic Management Mentorship Assistance Program Center sa Tagbilaran City, Bohol.
Halaw sa kanyang mga karanasan bilang dating pinuno ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ibinahagi ni Tolentino ang ilan sa ‘innovations’ na kanyang sinimulan para tugunan ang lumalalang trapiko sa Kalakhang Maynila.
Kabilang sa mga ito ang zebra pedestrian lanes, vertical gardens sa EDSA, at motorcycle lanes.
“Gamitin natin ang ating pagiging malikhain sa pagbibigay-solusyon sa problema ng trapiko sa ating mga lokalidad,” diin ng senador.
Aniya, ang motorcycle lanes na minarkahan ng asul na pintura na kanyang sinimulan bilang MMDA chair, ay patuloy na ginagamit hanggang sa kasalukuyan.
“Kapag dumaan kayo sa domestic airport, papuntang Terminal 2 o 4, may makikita kayong isang maliit na rotonda. Yan po ay aking inisyatiba. Hindi po natin kailangan ng malalaking rotonda para pagbutihin ang daloy ng trapiko,” pahayag niya.
Bilang panghuli, ipinaalala ni Tolentino na sa bawat mungkahing solusyon, dapat isaalang-alang ang magaan at ligtas na paggalaw ng mga pedestrian, motorista, at iba pang mga gumagamit ng lansangan.