Tolentino, hiniling sa LTO na pabilisin produksyon ng plaka
NAGPASALAMAT si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa Land Transportation Office (LTO) sa pagpapalawig nito hanggang Disyembre 31 ng ‘grace period’ para patuloy na magamit ang temporary o improvised license plates nang walang bantang huli o multa.
Gayunpaman, nakiusap ang senador sa ahensya na gamitin din ang naturang palugit para pabilisin ang produksyon nito ng official license plates para sa kapakinabangan ng milyun-milyong riders at mga motorista.
Sa panayam ni Aljo Bendijo sa programang ‘Straight to the point’ sa DZXL, sinabi ni Tolentino: “Salamat sa LTO sa pag-uurong ng deadline pero sana sa pagsapit ng Disyembre 31, ay naisip na rin nila ang implikasyon ng kanilang polisiya, gayundin ang mga hakbang na nararapat para maresolba ang kanyang backlog sa pag-iisyu ng plaka.”
Aniya, nangako naman ang LTO na uusad din ang pagpapagawa ng plaka. “Tignan natin kung ano ang mangyayari sa Disyembre 31, kung dapat ba uli itong i-extend o kung mayroon nang sapat na plaka. Kasi parang imaginary target din yan dahil bisperas na yan ng bagong taon.”
Habang may pahayag ang LTO na resolbado na umano ang supply shortage para sa motor vehicles, idiniin ni Tolentino na nananatiling malaki ang backlog para sa milyun-milyong motorcycle riders.
Paliwanag pa nya: “Sa Cebu, ang naging ‘solusyon’ ay papilahin ang mga rider para makakuha ng sertipikasyon mula sa LTO bilang patunay na wala pa silang natatanggap na plaka. Kailangan din nilang magbayad ng P40 para rito, at kapag sila’y nahuli, P5,000 ang multa. Napakalaki!”
“Huwag sanang parusahan ang motorcycle riders para sa problemang wala naman silang kinalaman. Pinapahirapan sila imbis na hayaang bumiyahe at makapag-hanapbuhay,” ani Tolentino.
Ayon pa sa senador, makatwiran lamang na dapat isabay sa pag-iisyu ng plaka ang paglalabas ng Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR) , dahil kasama ito sa bayad ng bumibili ng sasakyan.
Bilang panghuli, nakiusap ang senador sa LTO na huwag nang mag-isyu ng karagdagang prohibisyon sa mga rider habang hinihintay ang pagsasabatas ng Senate Bill No. (SBN) 2555 na kanyang inisponsor.
Hangad ng SBN 2555 na alisin ang ‘double plate requirement’ para sa mga motorsiklo sa ilalim ng kontrobersyal na ‘Doble Plaka’ Law (Republic Act 11235).
Suportado naman ang panukala ng maraming motorcycle riders at delivery riders’ groups, aniya, at umaasa rin sila sa agarang pagpasa nito. Sa katunayan, personal na nagtungo sa Senado ang naturang mga grupo nang ipasa ng mga senador ang SBN 2555 noong Hulyo 29.
Samantala, aprubado na sa committee level ang House counterpart ng panukala, at nakatakda na rin itong isalang sa deliberasyon ng Kamara.