Tolentino: Brownlee paglaruin sa PBA
MAY karapatan si Justin Brownlee na gamitin ang lahat ng kanyang mga karapatan at pribilehiyo bilang isang naturalized Filipino, kasama ang paglalaro sa Philippine Basketball Association (PBA) bilang isang lokal na atleta.
Ito ang iginiit ni Senador Francis ‘TOL’ Tolentino sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa Senate Resolution No. 701, na inihain ng senador.
“Malaki ang kontribusyon ni Brownlee sa paghahatid ng karangalan sa Pilipinas bilang manlalaro ng Gilas. Kasama rito ang makasaysayang gintong medalya sa Asian Games noong 2023 – ang pinakauna natin matapos ang 61 taon,” ayon kay TOL.
“Isinabatas ang Republic Act 11937 na nag-gawad ng Filipino citizenship kay Justin, hindi lang para magkaroon tayo ng naturalized import na ilalaban sa ibang bansa, kundi dahil naniniwala tayo sa kanyang kakayahan na mag-ambag sa pagsulong ng ating bayan,” dagdag ng senador, author at sponsor ng naturang panukala noong 2023.
Kinuwestyon ni Tolentino ang aniya’y discriminatory policy ng Philippine Basketball Association (PBA) na nagpapahintulot sa mga banyagang atleta na makapaglaro sa liga bilang local player sa pagpapakita lang na mayroon silang Filipino lineage, habang pinagbabawalan ang naturalized athletes gaya ni Brownlee, gayong sila ay ganap na Pilipino sa ilalim ng batas.
Bukod kay Brownlee, nauna na ring ginawaran ng Filipino citizenship sina dating Gilas stalwarts Marcus Douthit, Andray Blatche, at Ange Kouame sa pamamagitan ng mga batas na ipinasa ng Kongreso.
Bilang tugon, sinabi ni PBA Deputy Commissioner Eric Emanuel Castro na multi nilang susuriin ang patakaran matapos ang pagkwestyon dito ni Tolentino at iba pang mga senador sa pagdinig, kabilang sina Koko Pimentel, ang committee chair, Sherwin Gatchalian, Mark Villar, at Bato Dela Rosa.
Samantala, binanggit ng mga kinatawan ng Department of Justice, Office of the Solicitor General, at Department of Labor and Employment na wala silang nakikitang umiiral na batas na nagbabawal kay Brownlee para maglaro bilang Pilipino sa mga lokal na liga.
Sa naturang pagdinig ay tinalakay din ng committee ang mga panukalang maggagawad ng Filipino citizenship sa syam na foreign nationals. Kabilang sa kanila ang edukador at pastor na si Grace Tan To, isang Taiwan national na 50 dekada nang naninirahan sa Pilipinas.
“Kung maisasabatas ang panukala para maging naturalized citizen si Grace Tan To, pwede na syang magtayo at magmay-ari ng sarili nyang paaralan dahil bahagi ito ng kanyang mga karapatan. Tulad nya, karapatan din ni Brownlee na malayang gamitin ang kanyang propesyon sa bansa bilang lokal na manlalaro. Pwede syang mag rehistro para bumoto, tumakbo bilang kapitan ng barangay, at tamasain ang iba pang karapatan at pribilehiyo na iginawad sa kanya bilang naturalized Filipino. Dapat walang diskriminasyon. Ang batas ay dapat pantay na ipatupad sa lahat,” pagtatapos ni Tolentino.