Tol: Karapatan ng PH pakinabangan yaman ng karagatan nito, pinalakas lalo ng PMZ
DALAWANG mahahalagang batas na magpapalakas sa karapatan ng Pilipinas na linangin at pakinabangan ang lahat ng yamang nakapaloob sa karagatang sakop ng bansa ang nilagdaan na ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong nakaraang Biyernes.
Ang R.A. 12064, o ang Philippine Maritime Zones (PMZ) Act at ang R.A. 12065 o Philippine Archipelagic Sea Lanes Act na parehong inakda at isinulong ni Senator Francis “Tol” Tolentino ay sumasaklaw sa karapatan ng bansa na magtatag ng artificial islands, magtayo ng mga instalasyon at istruktura, magsagawa ng siyentipikong pananaliksik, maghukay at magbutas ng mga tunnel, at iba pang mga kahalintulad na hakbang na naaayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa mga karagatang sakop ng bansa, kabilang ang Talampas ng Pilipinas o kilala bilang Philippine Rise (dating Benham Rise).
“Kinakatawan ng PMZ ang paninindigan natin bilang isang bansa na protektahan ang ating maritime rights at soberanya. Pinapatatag nito ang ating hurisdiksyon sa Talampas ng Pilipinas, kasama ang responsableng pangangasiwa at paglilinang sa likas yaman nito para pakinabangan ng sambayanang Pilipino,” paliwanag ni Tol.
“Ipinapahiwatig ng mga pagsasaliksik na may sapat na deposito ng langis, natural gas, at minerals ang Philippine Rise para tugunan ang ating pangangailangan at seguridad sa enerhiya,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng international law, kinikilala ang Talampas ng Pilipinas, na nasa 250 kilometro mula silangan ng Isabela bilang bahagi ng extended continental shelf ng Pilipinas. Naghain ang Pilipinas ng opisyal na territorial claim noong 2001 bunga ng pag-angkin dito ng China na naipanalo sa pamamagitan ng desisyong inilabas ng UNCLOS.
“Kung kayang igiit ng ibang bansa ang kanilang claims, gayundin ang Pilipinas. Taglay natin ang buong karapatan na itakda ang ating maritime boundaries at protektahan ang ating pambansang interes,” ayon kay Tolentino, chair ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones.
Panawagan pa niTol sa publiko: “Sana’y magkaisa at magsama-sama tayong manindigan para tiyakin ang pagrespeto ng ibang bansa sa ating maritime rights. Ito ay para sa kapakinabangan ng bawat Pilipino, at maging ng mga susunod na henerasyon, sa mga yaman at rekurso ng Philippine Rise.”