
TOL: EPIRA, kailangan ng ma-amiyendahan
NANINIWALA si Senate Majortiy Leader Francis “Tol” Tolentino na kailangan ng ma-amiyendahan ang batas sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang mapababa ang presyo ng kuryente.
Ayon kay Tolentino, marami ng mga dapat baguhin sa EPIRA, lalu na sa pagkakaloob ng mas malakas na mandato sa Energy Regulatory Commission (ERC), na binuo sa ilalim ng naturang batas.
“Mahina kasi ang ERC, gaya nitong sa Meralco, hinintay pa nilang mag file ng petition ang kompanya, eh tumaas pa nga nung Pebrero ng P0.28 centavos per kilowatt hour ang kuryente. Dapat pro-active ang ERC, mahina kasi ang mandato nila.” sabi ng Senador.
Kaugnay naman sa pagsusulong niya na kailangang ibasura na ang 12% Value Added Tax (VAT) sa singil sa kuryente upang mapababa ang binabayaran kada buwan ng mamamayan sa kanilang konsumo, sinabi ni Tolentino na hindi naman aniya malulugi rito ang gobyerno.
“Mababawasan ang kita pero mababawi rin yun dahil lalaki ang purchasing power ng tao. Yung 12 percent mapupunta sa bulsa nila, makakabili na sila ng gamit, pagkain, at makakapagpa -aral sila ng anak,” dugtong pa ng Senador.
Bukod sa pagtanggal sa VAT, naniniwala si Tolentino na pinakamabisa ring solusyon upang mapababa ang bayad sa konsumo sa kuryente ang pagkakaroon na ng bansa ng nuclear power plant.
Inihayag ito ng Senador sa kanyang pagdalo bilang panauhing tagapagsalita sa national convention ng Philippine Association of Board of Directors of Rural Electric Cooperatives (PHABDREC) na idinaos Lunes ng umaga sa Novotel Manila Araneta City sa Cubao, Quezon City.