Crime

Tiyo, 15, kinasuhan sa ‘washing machine murder’

May 30, 2023 Edd Reyes 191 views

Pamangkin, 4, naaagnas na ng matagpuan

SINAMPAHAN na ng kasong murder Martes ng umaga sa piskalya ang 15-anyos na suspek sa umano’y pagpatay sa apat na taong gulang na pamangkin noong araw ng Linggo sa Las Piñas City.

Ito’y makaraang aminin umano ng suspek ang krimen kay Las Piñas police chief P/Col. Jaime Santos matapos lumabas sa resulta ng isinagawang pag-autopsiya sa bangkay na palo sa ulo ang ikinamatay ng bata na ang katawan na nagsisimula ng ma-agnas ay nadiskubre sa loob ng washing machine.

Sinabi ni Col. Santos na kung mapapatunayan ng hukuman na nasa wastong katinuan ang binatilyo at alam niya ang kanyang ginawang krimen, maaari siyang dalhin sa kostodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa oras na sumapit na siya sa hustong gulang.

Nanawagan naman sa publiko si Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, at sa mga magulang na bigyang oportunidad ang kanilang mga anak at mga bata na mahubog sa magandang asal na siyang pundasyon upang hindi sila makaisip na gumawa ng karahasan.

“It is also important for parents to be able to share their concerns and fears and reach out to their children, always keep an open communication with them and as much as possible know their friends or the people they hang out with. It is not enough that we see them going to school regularly, it is best that we always know what is going on with their lives, their problems and struggles,” dagdag pa ni BGen. Kraft.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga pa muna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang binatilyo bunga na rin ng pagiging menor-de-edad makaraang dakpin ng pulisya nang matuklasan ang bangkay ng bata matapos umalingasaw ang masangsang na amoy sa loob ng kanyang silid sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan sa Kalamansi St. Brgy. CAA sa naturang lungsod.

AUTHOR PROFILE