Tingog: Gov’t ayuda gamitin ng tama
MULING naghatid ng tulong ang Tingog party-list nominee at actress-singer na si Karla Estrada sa mga taga-Leyte.
Dumalaw si Estrada, ina ng aktor na si Daniel Padilla sa Barangay Lemon, Capoocan, Leyte noong Miyerkoles dala ang tulong para sa mahigit 200 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Paalala ni Estrada sa mga benepisyaryo gamitin ng tama ang tulong na natanggap upang kahit papaano ay mapunan ang pangangailangan nila at ng kanilang pamilya.
Pinasalamatan din ni Estrada ang Department of Labor and Employment (DOLE) na pinamumunuan ni Secretary Silvestre “Bebot” Bello III sa pagtitiwala nito sa Tingog party-list na pinamumunuan ni Congresswoman Yedda Marie Romualdez sa implementasyon ng TUPAD program.
Hindi umano matatawaran ang pagpupursige ng DOLE upang matulungan ang mga naapektuhan ng limitasyong dala ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Estrada, layunin ng Tingog party-list na agad maihatid ang tulong ng gobyerno sa mga benepisyaryo nito.
Naging emosyonal naman ang 63-anyos na benepisyaryong si Pio Loay habang nagpapasalamat sa natanggap nitong tulong.
Gagamitin umano ni Loay ang nakuhang tulong sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Sinabi naman ni Estrada siya at ang Tingog party-list ay lalo pang magpupunyagi upang makapaghatid ng tulong katuwang ang DOLE at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ang TUPAD ay isang emergency employment program ng DOLE para sa mga natanggal sa trabaho at nawalan o walang pinagkakakitaan. Tumatagal ang emergency employment ng 10 hanggang 30 araw depende sa trabahong kailangang tapusin.