Tindera ng pandesal hinoldap, tumakbo, tinigok ng 2 suspek
TIGOK ang babaeng pandesal vendor nang barilin ng dalawang holdaper matapos magtangkang tumakbo nang magdeklara ng holdap ang mga suspek noong Lunes sa Caloocan City.
Sa ulat ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nasa Mhay-Mhay Malunggay Pandesal Store sa Little Baguio St. Miramonte Heights, Brgy. 180 ang biktimang si alyas Jenical, 24, nang dumating ang dalawang armadong suspek dakong alas-5:25 ng umaga at nagdeklara ng holdap.
Sa takot ng biktima, kaagad nagtatakbo upang makaiwas sa panghoholdap pero binaril siya ng isa sa dalawang suspek na kanyang ikinasawi.
Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang biktima dahil sa tama ng bala sa likod.
Umeskapo agad ang dalawang suspek, ayon sa mga pulis.
Iniutos ni Col. Doles ang pagrerebisa sa mga kuha ng CCTV sa lugar sa posibleng pagkakilanlan sa mga suspek.