Default Thumbnail

Tinatanggap ko ang hamon, masaya akong maglilingkod

June 2, 2022 Erwin Tulfo 556 views

TulfoUNA sa lahat, buong-puso akong nagpapasalamat sa pagtitiwala ng halal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pag-alok sa akin na maging miyembro ng kanyang Gabinete.

Ikinararangal at ikinaliligaya ko na tanggapin ang nominasyon bilang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bukod sa propesyon ko bilang mamamahayag sa nagdaang 35 taon, inialay ko po ang kalahati ng aking buhay sa social work at public service. Ang Erwin Tulfo Action Center ay nakapagbigay ng iba’t-ibang tulong sa libu-libo nating kababayang mahihirap at api-apihan.

Alam kong napakalaking responsibilidad ang pamunuan ang DSWD lalu na sa patuloy na banta ng pandemya, kawalan ng hanapbuhay at labis na kahirapan ng maraming Pilipino.

Isa sa mga naunang direktiba ni PBBM ay ang digitalization ng pamamahagi ng government assistance at paglilinis sa listahan ng mga benepisaryo.

Sisiyasatin namin ang mga sumbong na may mga taong gumagamit ng sobrang dami ng ATM cash card sa pagtanggap ng 4Ps benefits.

Nais din ni PBBM na matutukan ang pagsisikap na makabawi ang ekonomiya, paglilikha ng mga trabaho at maibsan ang marinding kahirapan ng mahigit 26 milyong Pilipino.

Posibleng higit pang mas marami ang ating kababayan na nagdarahop kaysa sa bilang na inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021.

Tulad ng nais ni PBBM, dapat magkaisa at magtulung-tulong tayong iahon sa kahirapan ang ating mga kababayan.

Kaya bukas ako sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-koordinasyon sa mga non-government organizations (NGOs) kabilang na ang Angat-Buhay Foundation na pinamumunuan ni outgoing Vice President Leni Robredo.

Sama-sama at kapit-bisig tayong tutugon sa daing ng mga nasalanta ng kalamidad, mga pamilyang palaboy, mga senior citizen na walang umaalalay, at mga biktima ng human trafficking at krimen.

Tututukan ko ang makatotohanan na rehabilitasyon ng mga menor de edad na sangkot sa krimen at droga.

Magiging bukas tayo di lamang sa mga humihingi ng tulong kundi sa mga nagrereklamo laban sa mga tatamad-tamad at tiwali na kawani ng ahensya.

Titiyakin ko na ang aming pagseserbisyo publiko at paglilingkod-bayan at mararamdaman.

Sama-sama tayong babangon muli.

Salamat at mabuhay ka, Pangulong BBM!

AUTHOR PROFILE