Timbog na Cavite murder suspect mas gustong makukong sa Maynila
Biktima dinedo dahil sa kulungan ng manok
ARESTADO ang isa sa tatlong akusado sa pagpatay sa dating barangay kagawad dahil lamang sa kulungan ng manok sa Maragondon, Cavite nang isilbi ang arrest warrant laban sa kanya Huwebes sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Sa ulat ng MPD, inisyu ni Judge Ralph Arellano ng Branch 132 Naic, Cavite ang warrant of arrest sa naarestong akusado na si Arnold Lacañas, 30, helper, at may live-in partner na nakatira sa Blk.15-A Baseco Compound.
Si Lacañas ay may kinakaharap na kasong arson, robbery with homicide sa korte matapos akusahan sa pagtataga kay Raulito Aquino, 64, dating barangay kagawad ng Maragondon at residente ng ng Bgy Bucal 2, Maragondon, Cavite.
Pagkatapos pagtatagain ang biktima ay sinunog pa ang kanyang resthouse diumano ng mga suspek kung saan natagpuan din itong sunog na sunog.
Napag-alaman na nauna nang sumuko ang dalawa pang suspek na sina Marvin Madugay Rosales ng Brgy Sapang 2 Ternate Cavite; Mark Kevin Decin ng Bgy Sapang 2, Ternate kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso .
Ayon umano kay Lacañas, pinasok niya sa kuwarto ang biktima at pinagtataga matapos na hindi nila nagustuhan ang inasal at trato sa kanila ng barangay kagawad nang sila ay kunin para gumawa ng kulungan ng manok.
Mag-iisang taon nang nagtago si Lacañas sa batas matapos ang krimen noong August 16,2020 kung saan sinabi nitong ayaw niyang magpakulong sa Cavite dahil batid niyang hindi siya ligtas at mas ligtas aniya siya sa Maynila .
Naaresto ang akusado sa koordinasyon na rin ng Cavite Police sa MPD kung saan pinangunahan ni Capt. Edwin B.Fuggan sa ilalim ng liderato ni PLtCol Robert Domingo, station commander ng Police Station 13 ng MPD.
Inatasan naman ni MPD Director PBGen Leo M.Francisco ang kanyang kapulisan na huwag tumigil at magtuloy-tuloy lamang sila sa kanilang trabaho lalo na ngayong panahon ng pandemya at nasa isang linggo pa lamang ang ECQ,at laging ipairal ang IATF protocol sa mga Mamamayan para sa katahimikan ng Lungsod ng Maynila. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES