Three Kings ipinagdiwang ng SM Mall kasabay ng kalinga drive

January 6, 2022 Marlon Purification 135 views

Marlon PurificationHULING hirit ngayong Kapaskuhan!

Ito ang peg ng SM Malls sa lalawigan ng Bulacan dahil hanggang ngayong buwan ng Enero ay patuloy ang isinagawa nilang gift giving.

Isinabay pa nila ito sa pagdiriwang ng Three Kings o Araw ng Tatlong Haring Mago nitong nagdaang Huwebes kung saan ay ibinahagi ang pag-asa, kasiyahan at kagalakan sa mahigit 750 mahihirap na pamilya mula sa natatanging programa na Kalinga Drive.

“Gift giving is a great way to start the year right as we commemorate the Three Magi and conclude the 12 days of Christmas,” ani SM City Marilao Engr. Emmanuel Gatmaitan.

Ang Kalinga Drive ay pinagsamang programa ng SM Supermalls, SM Foundation, SM Markets at iba pang SM affiliates. Layunin nito na tugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na nasasadlak sa krisis at kalamidad.

Bahagi ng pagpapatupad nito ang maigting na pakikipag-ugnayan sa SM City Mall Administration employees at mga volunteers.

Umabot sa 200 ‘kalinga packs’ ang ipinamahagi ng SM City Marilao sa Brgy. Ibayo at Brgy. Lias kung saan lahat ng tumanggap ay tinukoy at kinilala mismo ng local government units at municipal social welfare and development bilang mga pinakamahirap na pamilya sa naturang bayan.

Sa kabilang dako, hiwalay ding nagpalasap ng pagmamahal at malasakit ang SM City Baliwag nang mahigit sa 200 pamilya ang binigyan din ng kalinga packs sa mga residente ng Bgy. Pagala at Pinagbarilan.

Ang SM Center Pulilan naman ay nagbigay ng hiwalay na 150 kalinga packs sa mga komunidad at resiente ng Bgy. Sto. Cristo at Longos.

“We sincerely wish these Kalinga packs would bring joy to every family this season of gift giving,” ani SM City Baliwag Mall Manager Rodora Tolentino.

Siyempre, ang SM City San Jose Del Monte ay hindi rin nagpahuli sa kanilang Kalinga Drive nang mamahagi ng ayuda sa Purok 4, Sitio San Isidro, Barangay Tungkong Mangga.

May 200 pamilya ang nabahagian ng kalinga packs sa mga informal settlers na labis ding naapektuhan ng pandemya.

Totoong tensiyonado ang unang linggo ng Taong 2022.

Bakit ba hindi, eh bigla na naman tumaas ang bilang ng COVID cases na dati nang napababa mula nang sumambulat ang pandemya, may dalawang taon na ang nakararaan.

Bigla nga uli tumaas ang ‘anxiety’ ng karamihan sa ating mga kababayan.

Kay ‘nga sabi ko, pano pa kaya ang mga mahihirap nating kababayan na hindi na nga alam kung saan kukunin ang pagkain araw-araw ay matamaan pa ng panibagong variant na Omicron – wag naman!

Kaya sinasaluduhan natin ang SM Mall sa buong Bulacan.

Ang mga kapaki-pakinabang na proyektong tulad ng ginagawa ng iyong Kalinga Drive ay tunay na nakatutulong.

Sana ay hindi kayo mapagod at manawang magbigay tulong sa ating mga kababayan.

Ako na po ang nagpapasalamat para sa mga kababayang Bulakenyo na inyong natutulungan.

Tunay kayong mga ‘anghel’ sa kanilang buhay na biglang nagbaba ng mumunting pagkain sa kanilang hapag-kainan maibsan lamang ang tinatamasa nilang matinding kagutuman.

Saludo po ako sa inyo, mga Ma’am and Sir!