Default Thumbnail

‘The other side’ ng kampanyang ‘Tokhang’

March 10, 2022 Paul M. Gutierrez 400 views

PaulMALAPIT nang magtapos ang termino ni Pang. Digong. Sa Hunyo 30, ganap na alas-12 ng tanghali, bilang pagsunod sa Saligang Batas, pormal na niyang ililipat ang poder ng panguluhan—kasama na ang lahat ng problema ng ‘Pinas—sa bagong presidente.

Sapul naman ng mahalal si Mayor Rody, isa sa mga problema ng bansa—na “iniwan” sa kanya ng mga Dilawan pero dahilan din kaya siya nanalo—ay ang problema natin sa iligal na droga.

At dito sa Metro Manila, isa sa mga “notoryus” na lugar kung iligal na droga ang pag-usapan, ay ang ‘CAMANAVA,’ partikular na ang lungsod ng Caloocan.

Kaya nga nang magdeklara na ng ‘war on drugs’ si PDU30, isa ang Caloocan sa mga lugar na sa NCR na nakatawag ng pansin ng karamihan, dahil sa kaso ni Kian delos Santos.

Ang operasyon laban sa iligal na droga sa Caloocan ay sa ilalim ng ‘Oplan Galugad’ ng Caloocan PNP bilang pagsunod naman sa ‘Oplan Double Barrel’ ng gobyerno na mas kilala naman bilang ‘Oplan Tokhang.’

Ang “masaklap” na nangyari, dear readers? Aba’y kung gaano “pinalaki” ang balita sa pagkamatay ni Kian, “kakapiranggot” lang ang mga lumabas na ulat hinggil sa pagkahuli sa anak ni Caloocan Rep. Egay Erice (LP) sa Pasay City noong Marso 12, 2018.

Oh, “nagulat” ba kayo dear readers dahil ngayon lang ninyo nalaman ito? Eh, ako nga, kailan lang din, hehehe!

Sa talaan ng PNP at korte, hinuli si Egay Erice Jr., kasama ang isang ‘Biboy/Rafael Alberto’ matapos silang magbenta umano ng droga sa mga operatiba ng Caloocan PNP.

Ang transaksyon, na dapat gagawin sa Nadurata St., 4th Avenue, Caloocan, ay nakarating naman sa Park Mansion, Pasay City, dahil sa huling sandali, ‘nag-change of venue’ ang mga suspek sa kanilang mga “kausap” na mga operatiba naman pala ng Caloocan PNP, aguy!

Ayon naman sa mga miron—at marahil, kahit sa mga umarestong pulis– talagang nakakagulat na ang anak ng makapangyarihang mambabatas na tulad ni Cong. Egay ang masasangkot sa ganitong gawain, hayz!

Komento pa nga nga ng mga miron, nasa ikalawang taon na (2018) ang ‘Oplan Tokhang’ ni PDU30 nang mahuli si Egay Jr., pero hindi yata ito sapat para “matakot” ang mga katulad niya?

Na may batayan ang operasyon ay makikita sa ginawang pagbasura ng korte na makapaglagak ng piyansa si Egay Jr., bagaman binabasa ninyo ito, muling naghain ng ‘petition for bail’ ang kanyang kampo.

At siyempre, bukas ang pitak na ito sa ano mang paglilinaw na gustong gawin ni Cong. Egay Erice.

Mahaba-haba pa ang laban ng Caloocan kontra droga pero ang pagkakahuli ni Egay Jr. noon ay isang tagumpay para sa Oplan Tokhang ni Pang. Rody.

Akalain ba naman ninyo dear readers na hindi “sinanto” ng Oplan Tokhang maging ang anak ni Cong. Erice at hanggang sa kasalukuyan ay nakakakulong pa rin?

Ang mga tulad nito ang mga “panalo” ng Caloocan sa panahon ni PDU30 at ng Oplan Tokhang. Nakikita ng mga mamamayan na kahit sino ka pa, kahit anak ka pa ng isang mambabatas at opisyal pa ng LP, basta sangkot ka sa droga, kulong ang kahihinatnan mo, “brader!”

Abangan natin ang susunod na kabanata.

AUTHOR PROFILE