Teves hihirit ng MR para sa ibinasurang motion for inhibition vs. DOJ
BUO na ang pasya ni Negros Oriental 3rd district Congressman Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. na muling ihirit ang pag-inhibit ng Department of Justice (DoJ) sa paghawak sa kaso ng pagpaslang kay Gov. Roel Degamo.
Sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, na maghahain sila ng motion for reconsideration sa ibinasura nilang aapela na motion for inhibition sa susunod na preliminary investigation na gaganapin sa Hulyo 17.
May 10-araw pa aniya sila mula Biyernes upang plantsahin ang iba pa nilang isasagawang hakbang, maliban sa paghahain ng motion for reconsideration, kabilang na rito ang paghahain nila ng mga pleadings sa susunod na pagdinig.
Biyernes nang humarap muli sa mga mamamahayag ang suspendidong si Teves sa virtual press conference sa National Press Club (NPC).
Muli siyang nagpahayag ng saloobin tungkol sa kinakaharap na kaso ng pagpatay.
Nais din aniya niyang dumalo sa pamamagitan ng video conferencing o online sa nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Fedinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Hulyo 24 upang patuloy na magampanan ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Negros Oriental.
Mariing ding itinanggi ni Teves na kilala niya si Jose Adrian “Jad” Dera, ang drug suspect na nagagawang maglabas-pasok sa NBI. Ayon sa report, bagman ni Teves si Dera.