Tesdaman: Tiyaking makakatulong sa ekonomiya ang MMDA modified coding scheme

April 11, 2022 Marlon Purification 134 views

Marlon PurificationDAPAT siguruhin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na malulutas ng panukalang modified Unified Vehicle Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme ang economic costs ng trapiko sa Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 1.

Reaksiyon ito ni Sen. Joel Villanueva sa inilabas na pahayag ng MMDA Facebook page noong Abril 9 na may plano na naman nilang baguhin ang number coding scheme para sa mga motorista.

Nakiusap rin ang ahensya sa publiko na makibahagi ng opinyon at saloobin sa pagdedesiyon sa mga naturang panukala.

“Gusto na muling makapagtrabaho ng ating mga manggagawa ngayong nagbubukas na muli ang ekonomya. Linawin dapat ng MMDA sa Metro Manila Council na hindi maaargabyado ng modified coding scheme ang mga commuter at ang pagsulong ng ekonomya,” sabi ni Villanueva.

Habang kumunsulta umano ang MMDA sa mga ahensya ng gobyerno at transport groups para sa panukalang modified coding scheme, sinabi ng senador na dapat siguraduhin ng MMDA na dinggin nito ang mga rekomendasyon ng mga economic manager tungkol sa epekto ng plano sa negosyo at manggagawa.

“Tunay nga pong masama ang epekto ng traffic sa ekonomya at sa buhay mismo ng mga tao sa daan. Dapat pong pag-aralan ng MMDA kung ano ang net positive na epekto sa ekonomiya kung mabawasan ng 20%, 40%, o 50% ang trapik sa Metro Manila,” sabi ni Tesdaman.

Sinabi rin ng senador na kaakibat ng panukalang modified coding scheme ang pagpapabuti ng sistema ng pampublikong transportasyon.

“Maghain po sana tayo dapat ng mas maganda at mga alternatibong public transportation kung babawasan natin ang trapik. Para saan pa ang masulusyonan natin ang traffic pero wala namang masakyan ang mga tao?” tanong pa nito.

Ipinaalala ng senador sa mga negosyo at pamahalaan ang full implementation ng Telecommuting or Work From Home Law, lalo na sa mga lugar kung saan malala ang trapik.

“Hangga’t walang malinaw na solusyon ang problema natin sa trapiko at transportasyon, alternative working arrangements po dapat ang pairalin para sa mga manggagawa at negosyo,” sabi niya.

Pinahihintulutan ng Republic Act No. 11165 o Telecommuting Act ang boluntaryong alternative work arrangements gaya ng work from home para sa mga empleyado at employer. Si Villanueva ang principal author at sponsor ng nasabing batas.

“Maraming oras ang nasasayang dahil sa trapik. Kaysa maging productive ang mga manggagawa, dalawa hanggang tatlong oras o higit pa ang nagugugol nila sa daan kada araw para lang makapunta sa trabaho at makauwi. Kailangan natin ng traffic and transportation scheme na magbibigay-buhay muli sa ating kabuhayan,” sabi ng senador.

Noong 2018, iniulat ng Japan International Cooperation Agency na may economic cost na P3.5 bilyon kada araw ang transportasyon sa Metro Manila, at tinatayang umakyat ito sa Php 5.4 bilyon kada araw pagdating ng taong 2035. Ang economic cost of transportation ay katumbas ng vehicle operating cost at oras na ginugol ng mga drayber at pasahero sa mga kalsada ng Metro Manila.