Default Thumbnail

Terorismo sa E. Mindanao malapit ng ‘matuldukan’

January 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 310 views

MALAPIT ng matuldukan ang terorismo at karahasan sa Eastern Mindanao kasunod ng pagkakalansag sa 18 unit ng New People’s Army (NPA) noong 2022.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Eastern Mindanao Command (Eastmincom) Public Information Office (PIO) Chief Major Alex D. Mindalano.

Aniya, naniniwala si Eastmincom Commander Lt. Gen. Greg T. Almerol na malapit nang mabuwag ang “communist terrorist group” (CTG) sa kanyang nasasakupan dahil sa “matagumpay na operasyon laban sa mga rebelde.”

Sa tala, limang Sub-Regional Committees (SRC), siyam na Guerilla Fronts (GF), at apat na Vertical NPA Units ang nalansag sa serye ng operasyon ng militar nitong 2022.

Ayon kay Almerol, sa 32 guerilla fronts na nakasagupa ng Eastmincom nang simulan ang kampanyang “Kalinaw Sidlakang Mindanao” noong 2017, 28 o 88% na ang napapabagsak habang ang natitirang apat na guerilla fronts ay patuloy na nanghihina.

Kabilang sa mga nalalansag ang GF19, SRC Southland, North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) na ayon kay Almerol ay maituturing na pinaka “notorious” na unit ng NPA sa Caraga Region dahil sa pagre-recruit ng mga miyembro ng menor de edad at miyembro ng Indigenous Peoples (IPs).

“The GF19 was involved in operating former CTG-linked schools in Agusan del Sur and Surigao del Sur, where the Indigenous Peoples’ (IPs) children were brainwashed and recruited in the terrorist movement. Its dismantling is an open door for the future declaration of strategic victory in the Caraga Region, where significant CTG formations remain,” pahayag ni Almerol.

Bukod sa mga nalansag ng unit ng NPA, aabot din sa 533 miyembro ng NPA ang na-neutralized kabilang dito ang 71 napatay, 48 na naaresto, 416 na sumuko mula January hanggang December 2022.

Kabilang naman sa itinuturing na “high-value individuals” na na-neutralized sina Menandro “Bok” Villanueva, Secretary Southern Mindanao Regional Committee (SMRC)/Komisyon Mindanao (KOMMID) at 3rd Vice-Chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP); Pedro “Gonyong” Codaste, 2nd top-ranking NPA Commander sa Mindanao; at 55 iba pa nilang leader.

Bumaba din ang armas ng rebeldeng grupo kasunod ng pagkakarekober ng 631 armas at 121 anti-personnel mines sa serye ng combat operation ng militar at pagsusuko ng mga rebelde na nagbalik loob sa gobyerno.

Natuklasan din ng militar ang may 91 kuta ng rebelde mula Enero hanggang Disyembre 2022.

Ipinagmaki din ni Almerol na dahil sa tagumpay ng kanilang operasyon, idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Davao Region bilang “insurgency free” noong Oktubre 27, 2022.