Teodoro

Teodoro: Di pa final, executory desisyon; lehitimo pa rin ako

December 12, 2024 People's Tonight 287 views

HINDI pa pinal at executory ang desisyon na kanselahin ang kanyang kandidatura para sa pagka-kongresista sa Unang Distrito ng Marikina City na inilabas ng Commission on Elections (Comelec), ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro noong Huwebes, Disyembre 12, 2024

“Ang Resolusyon ay hindi pa pinal at executory, at nananatili pa rin akong lehitimong kandidato para sa pagka-kongresista sa Unang Distrito ng Marikina,” saad ni Mayor Teodoro.

Iginiit ng alkalde na magmumula sa Comelec en Banc ang pinal na desisyon at hindi sa First Division.

Sinabi ng alkalde na maghahain siya ng Motion for Reconsideration para i-contest ang desisyon ng Comelec First Division na kinansela ang kanyang Certificate of Candidacy (CoC) para sa pagka-kongresista sa First District ng Marikina sa May 2025 elections.

“Maghahain ako ng Motion for Reconsideration, at mayroon akong limang araw mula ngayon para gawin iyon,” sabi ng alkalde.

Batay sa mga alituntunin na ipinahayag ng Comelec, partikular ang Comelec Resolution No. 11046, ang isang mosyon to reconsider a resolution ng isang Dibisyon ng Comelec ay maaaring ihain sa loob ng limang (5) araw mula nang matanggap ito, at ang paghahain ng Motion for Reconsideration ay sususpendehin ang pagpapatupad ng resolusyon.

“I will exhaust all legal remedies available to me,” aniya.

Muling iginiit ng alkalde na siya ay tunay na tubong Marikina at kilalang taga Unang Distrito ng lungsod.

“Sa katunayan, ako ay naglingkod sa matagal na panahon bilang konsehal, congressman at kasalukuyang mayor ng lungsod ng Marikina,” saad niya.

Binigyang-diin ng alkalde ang kanyang hindi natitinag na pangako sa paglilingkod sa mga residente ng Marikina, at kanyang i-exhaust ang lahat ng posibleng legal remedies para kontrahin ang mga mapanlinlang na taktika ng kanyang kalaban sa pulitika.

“Patuloy akong maglilingkod sa taumbayan sa kabila ng mga balakid at ako’y nangangako na ipagpapatuloy ang lahat ng mga programa na aking nasimulan para sa kapakanan ng Marikina!” saad ng alkalde.

AUTHOR PROFILE