Default Thumbnail

Tent cities sa Mayon evacuees inihahanda na

July 12, 2023 Zaida I. Delos Reyes 170 views

INIHAHANDA na ng pamahalaang Bayan ng Daraga ang pagpapatayo ng tent cities sa mga evacuation centers para sa mga evacuees na apektado ng paga-alburuto ng Mayon Volcano.

Sinabi Daraga Mayor Carlwyn Baldo, ang tent cities ang magsisilbing alternatibong tahanan ng mga evacuees na pansamantalang naninirahan sa mga classroom na ginamit na evacuation hub.

Paliwanag ni Mayor Baldo, kailangang bakantehin na ng mga evacuees ang mga silid aralan dahil gagamitin ito ng mga estudiyante sa pagbabalik ng klase sa Agosto.

“Mayroon po kaming alternative rin na kung sakaling mangyari iyan, maglalagay kami ng tent city sa mga evacuation center, kasi mayroon tayong mga family tents. Doon po namin sila ililipat para naman po iyong mga estudyante, hindi po maapektuhan iyong pag-aaral nila” pahayag ng alkalde.

Sa ngayon tatlong eskwelahan sa Daraga ang ginagamit na evacuation center ng mga biktima ng paga-alburuto ng bulkan.

Kabilang sa mga ito ang Budiao, Anislag at Gabawan Elementary Schools.

Ang tent city aniya ay itatayo sa bawat isang evacuation center kung saan plano din ng alkalde na magtayo ng permanent core shelters para sa mga apektadong pamilya.