Technician nakitang may saksak, walang buhay sa QC

December 1, 2021 Melnie Ragasa-limena 159 views

PATAY na nang matagpuan ang 52-anyos na technician ng Renz Taxi Meter sa Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Danilo Baldos, 52, walang asawa, technician ng Renz Taxi Meter, at naninirahan sa No. 50 Malakas St., Brgy. Pinyahan, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 5:30 a.m. (December 1), nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa harapan ng 28 Malakas St., Brgy. Pinyahan, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni Pcpl Lorenz Mappala, isa umanong testigo ang nagsabing magtatapon siya ng basura sa harapan ng kanilang gate nang mapansin niya ang lalaking nakahandusay sa lupa.

Sa takot ay agad na inireport ng testigo ang insidente sa mga opisyal ng kanilang barangay na siya namang tumawag sa himpilan ng pulisya.

Agad namang nagresponde ang SOCO Team sa pangunguna ni PMaj. Teresita Manalastas at nalaman na ang biktima ay may isang malalim na saksak sa dibdib.

Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima bandang 6:30 ng hapon (November 29), na kumakain sa sidewalk sa nasabing lugar kung saan siya natagpuang patay.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang malaman ang motibo sa pananaksak at makilala ang salarin.