Team leader ng convenience store tiklo sa ‘rape’ sa Cubao

December 5, 2022 Melnie Ragasa-limena 186 views

ARESTADO ang team leader ng isang convenience store matapos umanong pagsamantalahan ang 20-anyos na kasama sa trabaho matapos na makipag-inuman sa tahanan ng kanilang store manager sa Cubao, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station (PS-7), bandang 7:00 ng gabi (Disyembre 3), nang maganap ang insidente sa isang tahanan sa Westpoint St. Barangay E. Rodriguez, Cubao.

Batay sa imbestigasyon, ang suspek at ang biktima ay magkasama sa trabaho sa convenience store.

Bago ang insidente, dakong 11:00 ng umaga noong Disyembre 3, ay nag-inuman sa tahanan ng kanilang store manager ang biktima at ang suspek.

Makalipas ang ilang oras nang malasing ang biktima ay inalalayan ng misis ng store manager at dinala sa silid upang makapagpahinga.

“Nag-black out po ako kaya inasikaso ako nung misis ng store manager namin. Tapos kinukulit daw sila ng suspek na gisingin na ako para umuwi na kami,” ayon sa biktima.

At dahil umano sa kakulitan ay sinabihan ang suspek ng store manager na siya umao ang gumising sa biktima at yayain nang umuwi.

Pero nang abutan ng suspek na nakabulagta sa kalasingan ang biktima, ay pinagsamantalahan nito ang dalaga.

Nang mahimasmasan ang dalaga ay napansin niyang nakababa na ang kaniyang underwear at ang short pants at nakita ang suspek na nagbibihis na rin saka lumabas ng kuwarto.

Dahil dito nagsumbong ang biktima sa misis ng kaniyang store manager sa ginawang panghahalay sa kaniya kaya agad siyang sinamahan sa mga opisyal ng Bgy. E. Rodriguez, na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act (RA) 8353 o Anti-Rape Law of 1997 laban sa suspek.