Taxi driver hinahanting sa ‘pagpatay’ sa pasahero
TINUTUGIS ngayon ng pulisya ang taxi driver na pinatay umano sa saksak ang kaniyang pasahero matapos magtalo nitong Sabado ng madaling araw sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Isidro Amante Gonzales Jr., 25, binata, at residente ng Brgy. North Fairview, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 3:30 ng madaling araw (November 2) nang maganap ang insidente malapit sa Uncle John Convenience Store sa Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik, sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Erwin Jay Mendez, nasa loob ng kanilang pampasaherong bus ang mga saksing sina alyas Benvienido, konduktor, at ang driver na si Alvin, sa Quirino Highway kanto ng Maligaya Drive, nang lapitan sila ng duguang biktima at biglang nawalan ng malay saka bumagsak sa lupa.
Agad rumesponde ang mga operatiba ng QCPD Pasong Putik Proper Police Station 16 na pinamumunuan ni P/Lt. Rommel Tiangco, at isinugod ang biktima sa Tala Hospital sa Caloocan City, subalit idineklara na itong dead on arrival bandang 4:17 ng madaling araw ni Dr. Zephaniah Alvin S. Gimelo, sanhi ng tinamong malallim na saksak sa leeg.
Batay sa kuha ng CCTV, dakong alas-3:20 ng madaling araw, nakita ang biktima na nakikipagtalo sa ‘di pa nakikilalang driver ng taxi malapit sa Uncle John Convenience Store.
Sa kalagitnaan ng pagtatalo ay biglang sinaksak ng driver sa leeg ang biktima saka mabilis na sumakay sa taxi at tumakas.
Hinala ng pulisya na nagtalo sa pasahe ang motibo ng krimen, gayunman patuloy pa ang kanilang imbestigasyon habang tinutugis pa ang nakatakas na taxi driver.