Default Thumbnail

Taxi driver, binaril sa ulo ng malapitan sa Malabon

December 5, 2022 Edd Reyes 342 views

DALAWANG ulit na pinaputukan sa ulo ng hindi pa kilalang salarin ang 55-anyos na taxi driver habang nakaupo sa isang tindahan Lunes ng madaling araw sa Malabon City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Col. Amante Daro, hepe ng pulisya ng Lungsod ng Malabon, nakaupo at nakikipag-usap ang biktima, residente ng Sitio 6, Barangay Catmon sa isang sidewalk vendor sa kanto ng RLN Centre Gov. Pascual Avenue at M.H. Del Pilar St. sa Barangay Tinajeros, nang mula sa kanyang likuran ay lumapit ang dalawang hindi pa nakikilalang salarin dakong ala-1:45 ng umaga.

Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at malapitang pinaputukan ng dalawang ulit sa ulo ang biktima na agaran niyang ikinasawi.

Nagkanya-kanyang pulasan naman ang mga nahintakutang tao sa paligid na nakasaksi sa pangyayari at ito ang sinamantala ng mga suspek na kapwa nakausot ng itim na jacket upang maglakad lamang sa kanilang pagtakas patungo sa gawi ng Bgy. Catmon.

Kaagad namang nagresponde sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/SSgt. Allan Ortega, kasama ang apat na iba pa, upang i-kordon ang lugar.

Nakuha naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng pagpaslang ang dalawang basyo ng bala at dalawang depormadong bala ng kalibre .45 pistola na dadalhin sa PNP (Philippine National Police) Crime Laboratory upang isailalim sa ballistic examination.

Nakikipag-ugnayan na rin sina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol sa mga opisyal ng barangay na nakakasakop sa lugar upang makakuha ng kopya ng kuha ng nakakabit nilang CCTV (closed-circuit television) camera na makakatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan sa mga suspek.

AUTHOR PROFILE