Tauhan ng PCG, nagbigti

April 21, 2022 Jonjon Reyes 87 views

NAIREKORD pa sa sariling mobile phone ng isang 29-anyos na baguhang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanyang ginawang pagbibigti matapos ang umanong mainitang pagtatalo sa kanya ng kanyang nobya gamit ang isang nylon cord sa loob ng PCG compound sa Gate 2 Parola Compound, Muelle dela Industria, Tondo sa Maynila, madaling araw nitong Huwebes.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Jason Ibasco kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang 1:15 ng madaling araw ng madiskubre ang biktima na wala nang buhay malapit sa hagdanan ng PCG Station.

Ang biktima ay tubong Zamboanga Sibugay.

Ayon sa nakakita na si CG ASN James Daryl Acaylar, huli niya umanong nakita na buhay ang biktima Miyerkules pasado alas-10:00 ng gabi habang may ka-video call umano na nobya nito, na kung saan nagkainitan umano sa kanilang pagtatalo.

Hanggang sa makita nito na tahimik lamang itong nakaupo sa hagdanan.

Ilang oras pa nakatanggap ng text message si Acaylar mula sa kasintahan ng biktima na nakikiusap na puntahan ang nobyo at nag-aalala umano ito sa posibleng ginawa ng biktima.

Lumabas sa kanyang silid si Acaylar para hanapin ang biktima at dito nito nakita na nakabigti na ang biktima.

Wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ang biktima maliban sa bakat ng bigti sa leeg nito habang ang labi nito ay nasa Cruz Funeral morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE